SHARON CUNETA, PALABAN PA RIN SA MGA INTRIGA

POSITIBO ang dating ng mga ginagawa ni Sharon Cuneta na kapag mayroong nagsisimulang intriga sa showbiz tungkol sa kanya at sa kanyang pamilya ay bumubuwelta na kaagad siya ng sagot sa social media o sa mga interbyu sa kanya, para maging klaro ang lahat. Muntik maintriga ang kanyang ex-husband na si Gabby Concepcion dahil ayaw na raw ng aktor na matuloy pa ang kasunod ng “Dear Heart” Concert na naging matagumpay nu’ng kabilang taon.

May mga karustong pang isyu na si Gabby ang sinisisi tulad ng diumano’y nagpapataas si Gabby ng talent fee para sa susunod sana nilang concert. Nilinaw ni Sharon na may naging problema din sa kanilang mga producers.

Iniintriga din ang napakagarang mansiyon ni Sharon. Pero sa mga nagdaang panahon, dahil may kaya sa buhay ang Megastar ay hindi na bago sa kanya ang magpagawa ng malaki at magagandang bahay.

Ipinagkikibit-balikat lang ni Sharon ang maraming intriga, lalo na kung hindi na kapatol-patol kundi gusto lang siyang intrigahin pati ang buo nilang pamilya.

Nitong huli, may kumalat na video sa social media kung saan makikita si Sharon, live na kumakanta ng “Bituing Walang Ningning” at sinasabi ng intriga na sinira daw ng Megastar ang sarili niyang kanta, dahil sintunado at naiba ang atake ng pagkanta.

Sa totoo lang, sa edad ni Sharon ngayon, siyempre ay magbabago na ang timbre ng kanyang boses, kumpara sa timbre ng boses niya nu’ng bagets pa lang siya. Tsaka live iyon, mahirap talaga. Ang importante din sa ngayon, ay dumating ang artista o singer na kakanta. Masaya na noon ang kanyang mga fans na makita at madinig siyang kumakanta.

Kahit nga ang tanyag na singer sa buong mundo na si Bon Jovi, nitong magkaedad na siya, lalo na kung live siyang kakanta ay iba na ang tono at atake niya sa pagkanta ng pinasikat niyang “Bed Of Roses”. Si Sharon pa kaya?

DINGDONG DANTES, GOOD KARMA SA BUHAY AT MOVIE CAREER

NAPAKAGALING ni Dingdong Dantes magdala ng kanyang image sa showbiz, kaya narating niya ngayon ang tagumpay na hindi niya inaasahang mangyari sa career niya. Maging ang kanyang kapwa mga artista ay nagpapakita ng paghanga at respeto sa kanya.

Una kay Dingdong ang tiyaga at pakikisama sa industriyang ito. Nagtiyaga lang siyang pahalagahan ang tiwala ng GMA-7 sa kanyang kakayahan bilang aktor. Nung nasa bakuran pa ng Kapuso Network si Richard Gutierrez na tinagurian ding Primetime King, ay sinasabing susunod lang bilang pangalawa si Dingdong.

Ngayon, si Dingdong na ang Primetime King ng Siyete. Siya din ngayon ang Box-Office King ng showbiz, dahil sa kinita ng pelikulang “Rewind” nila ng kanyang wife na si Marian Rivera.

Walang mga taong inapakan si Dingdong para umangat ang kanyang pangalan. Klaro lahat. Sinisiraan siya, dahil naanakan daw niya ang dating ka-loveteam na si Antoinette Taus, pero maagap na nagpaliwanag ang tisay na aktres na wala iyong katotohanan kundi intriga lamang.

Tuloy-tuoy ang magagandang suwerte ni Dingdong. Pagkatapos ng matagumpay nilang movie ni Marian ay ang malaking project na “Love After Love” nila ni Charo Santos ang susunod niyang gagawin sa Star Cinema.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

%d bloggers like this:
Verified by MonsterInsights