HINDI naman nawawala ang posibilidad na si Andi Eigenmann ay magbalik-showbiz, dahil nangako naman sa kanya ang Kapamilya Network na kapag gustong mag-artista ulit ng magandang aktres ay bukas ang kanyang home studio sa kanyang pagbabalik.
Pagkatapos ng mga dapat ayusin na mga naiwang gamit ng pumanaw niyang mommy na si Jaclyn Jose ay muli nang bumalik si Andi sa Siargao Island. Buo pa rin ang kanyang paninindigan na doon sila manirahan ng binuo nilang pamilya ni Philmar Alipayo.
Hindi nagpapaapekto si Andi sa mga intriga at paninisi sa kanya, na kung hindi niya iniwan ang kanyang mommy ay hindi sana pumanaw na malungkot ang premyadong aktres. Dahil tanggap naman ni yumaong Jaclyn na masaya ang buhay ni Andi sa Siargao.
Sa sobrang saya ng simpleng buhay nina Andi, Philmar at ng kanilang mga anak sa Siargao, maraming kumukumbinsi kay Andi na huwag naman sanang matagalan bago siya bumalik sa pag-arte. Dahil sayang at mabilis lumipas ang panahon. Kailangan niyang paisa-isa, paminsan-minsan ay makalabas siya sa pelikula o teleserye.
JULIA BARRETTO, NAKAHARAP AT NAKAUSAP SI BEA ALONZO
SUNOD-SUNOD ang magagandang pangyayari sa career at personal na buhay ni Julia Barretto. Kamakailan ay nagkita, nagkaharap at nagkausap sila ni Bea Alonzo during the tribute party for former Star Magic head and current Sparkle consultant na si Direk Johnny Manahan. Ito ay pagkatapos ng ilang taon ng pagkakailangan sa sitwasyon nilang dalawa na parehong nagkaroon ng relasyon kay Gerald Anderson.
Si Julia ang pinagbuntunan ng mga paninisi at intriga. Na kaya daw iniwan ni Gerald noon si Bea ay dahil sa kanya. Nagkasama kasi sina Julia at Gerald noon bilang magkapareha, na nauwi sa relasyon.
Sa naging pagkikita nina Julia at Bea ay walang sumbatan na naganap. Kung sino ang babaing karelasyon na iniwan? Kung sino rin ang nang-agaw ng karelasyon? Walang naging ganung argumento. Biruan at masaya ang pagkikita ng dalawang magandang aktres.
Sobrang kalma lang kasi si Julia sa pinagdaanang intriga nila ni Bea dahil kay Gerald. Hindi na nagsalita ang anak ni Marjorie Barretto. Nagtiis na lang siya sa maraming paninisi sa kanya, dahil ayaw din ni Gerald na humaba ang isyu nila. Nagbunga ng positibong resulta ang pananahimik ni Julia, marami siyang ginagawang pelikula, okey na sila ni Bea at lalong masaya at matatag ang relasyon nila ni Gerald na hindi tinututulan ng kanyang mga kapatid at ng mommy Marjorie niya.