NAPAPANAHON ang tamang desisyon ni Maricel Soriano sa kanyang pagbabalik sa paggawa ng mga pelikula at teleserye. Sa itinagal na niya sa showbiz ay alam din niya ang pulso ng mga manonood.
Si Maricel ay matagal ding naging producer, kasabay ng kainitan ng kanyang popularity at kabataan.
Nagpahinga man ay hindi kaya ni Maricel na basta iwan ang showbiz.
Kasama siya ngayon sa mga bonggang teleseryeng “Linlang” at “Pira-pirasong Paraiso”. Ang paglabas sa mga teleserye ay sistemang gamay na gamay ng Diamond Star, dahil matagal siyang nagbida sa dati niyang drama anthology, ang “The Maricel Drama Special’ noon sa ABS-CBN.
Kasabay noon ng paggawa ng mga pelikula ay ang paglabas sa mga drama series ang naging dahilan para mahasa ang kahusayan sa pag-arte ni Maricel. Kaya sobrang mahal niya ang paglabas sa telebisyon.
Busy rin ngayon si Maricel sa shooting ng pelikulang “In His Mother’s Eyes” kung saan kasama niya ang isa sa pinakamatagal na niyang kaibigan sa showbiz, si Roderick Paulate.
Para kay Maricel ay napakasayang gawin ang pelikula nila ni Roderick, dahil matagal na rin silang hindi nagkakasama ng itinuturing niyang isa sa pinakatotoong tao sa showbiz.
Magiging sobrang busy talaga si Maricel sa kanyang showbiz career. Ayaw magpaawat, dahil katatapos niya lang din pumirma ng contract sa Net25.
–o(O)o–
BARBIE FORTEZA, KAYANG PAGSABAYIN ANG LOVELIFE AT CAREER
NAKUHA ni Barbie Forteza ang pagtitiwala ng GMA-7 dahil sa kanyang propesyunalismo bilang artista. Dalagita pa lang siya nang mapunta sa Kapuso Network, pero kahit na bagets pa lang siya noon ay trabaho ang inatupag niya at hindi ang pakikipagligawan.
Palaban naman kasi si Barbie kahit nu’ng bagets pa lang siya. Gusto talaga niyang mag-artista, kaya lagi siyang sumasali mag-audition kapag may pagkakataon.
Bata pa lang si Barbie ay seryoso nang sobra sa buhay. Ang laman agad ng utak at pangarap balang araw ay matulungan sa kahirapan ang kanyang mga magulang.
Tricycle driver lang daw noon ang tatay niya. Gumagawa naman ng panindang yema ang kanyang ina.
Dahil sa talento ni Barbie ay lagi siyang mayroong teleserye sa Siyete. Pumatok ang tambalan nila ni David Licauco sa teleseryeng “Maria Clara At Ibarra” na ngayon ay nasundan pa ng “Maging Sino Ka Man” na hango sa dating pelikula nina Sharon Cuneta at Robin Padilla.
Hindi naman puro trabaho lang ang iniikutan ng mundo ni Barbie. Masaya rin ang kanyang lovelife. Ilang taon na rin silang magkarelasyon ng Kapuso actor na si Jak Roberto.
Lalong bumilib ang GMA-7 kay Barbie, dahil hindi nagkakameron ng problema sa trabaho ang young actress dahil sa relasyon nila ni Jak.
Sa magkasunod na teleseryeng pinagbidahan nina Barbie at David ay napansin ang maganda nilang chemistry. Siyempre, ang gusto ng kanilang mga fans ay magkaligawan at magkatuluyan sila sa totoong buhay. Hala, naku!
Iniintriga na siyempre sina Barbie, David at Jak. Napakaguwapo daw ni David. Paano na lang kung mapalapit siyang sobra sa puso ni Barbie? Paano na si Jak?
Magaling ang dipensa ni Barbie. Ayon sa Primetime Drama Princess ng GMA-7, ay alam niyang trabaho lang ang ginagawa nila ni David. Kaya hindi niya kailangan pang patunayan kay Jak ang kanyang loyalty bilang girlfriend nito.
–o(O)o–
DENNIS TRILLO, PINAKAMAHUSAY NA AKTOR NG GMA-7
SOBRANG tahimik ngayon ang personal life ni Dennis Trillo. Wala nang ingay sa showbiz ‘tulad noon na sabay-sabay, mayroong mga babaing naghahabol ng atensiyon ng guwapong aktor. Kasal na kasi sila ni Jennylyn Mercado, mayroon na silang isang anak.
Marami pa ring kababaihan ang nagkaka-crush kay Dennis ngayon. Pero nagpakawala na rin ng salita ang aktor, na sobrang honest siya kay Jennylyn.
Bilang husband, sobrang pinahahalagahan ni Dennis ang mga plano sa buhay ni Jennylyn. Pero ikinabahala niya ang naunang plano ng aktres, na huminto na muna sa pag-aartista alang-alang sa kanilang pamilya.
Para kay Dennis ay napakabata pa ni Jennylyn para magretiro sa showbiz. Marami pa siyang kaya at puwedeng gawin. Talented ang Kapuso actress.
Kaya naman sobrang natuwa si Dennis nang magbago ang plano ni Jennylyn. Hinaharap na muli nito ang kanyang acting career, at magiging Kapamilya din bilang singer sa Star Music ng Kapamilya Network.
Bilang aktor, si Dennis pa rin ang pambato ng Kapuso Network bilang isa sa tunay at pinakamahusay na aktor sa bakuran ng Siyete kapag may planong maganda at mabigat ang tema ng teleserye.
Muling ipinagkatiwala ng GMA-7 kay Dennis ang maging bida at leading man ni Bea Alonzo sa teleseryeng “Love Before Sunrise”.
Parehong masaya para kina Bea at Dennis ang pagsasama nilang ito sa teleserye ng Siyete, dahil matagal na silang magkakilala nu’ng mga bagets pa lang sila, sa bakuran ng ABS-CBN at dating Star Magic. (BONGGA! ni Melchor Bautista)