JULIA BARRETTO, MATAPANG SA KANYANG MGA DESISYON SA BUHAY

GRABE din ang mga pinagdaanan ni Julia Barretto sa kanyang movie career habang ipinagpapatuloy ang kanyang pag-aartista. Pinukol agad siya ng mga pagbatikos nu’ng hindi Padilla ang kanyang gamiting apelyido, dahil usaping-pamilya ay mayroon siyang sariling dahilan. Grabe din ‘yong mga intriga sa kanya sa simula ng relasyon nila ni Gerald Anderson, dahil siya umano ang dahilan kaya iniwan ng guwapong aktor ang dating karelasyong si Bea Alonzo.

Nagtitiis si Julia sa mga pangyayari. Hindi siya nagpapaapekto sa mga hayagang pagbatikos sa kanya. Natatawa na nga lang ang magandang young actress, dahil patuloy ang mga intriga hitsurang inaabangan ng mga kumokontra sa relasyon nila ni Gerald, na magkakahiwalay din silang dalawa.

Nagtatagal kasi ang relasyon nina Julia at Gerald. Masaya ang anak ni Marjorie Barretto sa relasyong iyon. Mabait na karelasyon ang tisoy na aktor. Pinanindigan na lang nila na habang happy sila sa kanilang relasyon, ay hindi sila mahilig magkuwento ng mga plano nila hanggang sa kasal. Tahimik nilang ine-enjoy ang simple nilang relasyon.

Sa career pa rin ang tutok ng panahon ni Julia. May posibilidad na muli silang magkasama sa project ng kanyang ex-boyfriend na si Joshua Garcia. Isa sa suwerteng dumating nitong huli sa magandang aktres, ay ang makapareha sa pelikula si Aga Muhlach. Malaking artista si Aga at dating matinee idol. Hindi lahat ng artista ay puwede niyang makapareha.

PIOLO PASCUAL, PATULOY PA RIN ANG TAGUMPAY

WALA na halos mahihiling pa si Piolo Pascual sa takbo ng kanyang personal na buhay at movie career, dahil sa edad niya ngayon ay patuloy pa ring dumarating ang masasayang kaganapan sa kanyang buhay. Sa propesyon bilang artista ay ipinararamdam pa rin sa kanya ng showbiz ang kanyang kahalagahan. Aba, naman! Sobrang puno ang kalendaryo ng 2024 sa kanyang career sa dami ng mga proyektong nakatakda niyang gawin, ah!

Katatapos lang niyang magwagi bilang Best Actor sa ginanap na Manila International Film Festival dahil sa pagganap niya sa pelikulang “Mallari”. Walang isyu sa kanya kung tinalo siya ni Cedric Juan bilang Best Actor sa idinaos na Metro Manila Film Festival dahil sa pagganap nito sa “Gomburza”. Para sa daddy ni Inigo Pascual, ay naroon ang pagrespeto niya sa panalo ng iba, dahil marami talagang mahuhusay na aktor ngayon.

Samantala, hindi naiiwasang ikumpara sa naging suwerte ng career ni Piolo ang kanyang anak na si Inigo. Mahusay din ang guwapong anak ng premyadong aktor, at napakaraming fans. Bilib ang Kapamilya actor sa talento ni Inigo, dahil napansin ang ability nito sa pagkanta at galing sa pagsayaw. Happy si Papa P. na bilang daddy ay naranasan ng kanyang anak ang mga dapat pagdaanan sa showbiz para makabuo ng pangalan na magmamarka sa publiko.

Dumaan din kasi si Piolo noon sa mabagal na pag-usad ng movie career. Pero hindi siya sumuko. Habang buhay ang pasasalamat niya sa Kapamilya Network na malaking bahagi sa tagumpay ng movie career niya. Hanggang ngayon, bida pa rin siya sa bago at ipinagmamalaking teleseryeng “Pamilya Sagrado” kasama sina Kyle Echarri at Grae Fernandez, mula sa Dreamscape Entertainment at ABS-CBN Studios.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

%d bloggers like this:
Verified by MonsterInsights