Heto na, heto na.
Ngayong itinalaga na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. si dating kinatawan ng ikaanim na distrito ng Batangas na si Ralph Recto bilang Kalihim ng Pananalapi kapalit ng dati nitong sekretaryo na si Benjamin Diokno, ano ang mangyayari sa distritong ito ng lalawigan?
Sino na ang mag-aasikaso sa kapakanan ng mga mamamayan dito na nangangailangan ng serbisyong lehislatura o makabatas o paglilingkod na pag-ugit, pagsusulong, pag-aapruba at pagpapatupad sa mga batas par sa kagalingan ng mga residente?
Isali pa ang nakagisnan nang kultura ng mga Filipino na hingi nang hingi ng tulong sa kanilang mga kinatawan ultimong pambili ng bigas.
Paano na ngayon ‘yan?
Nasa sangay na ng ehekutibo si Ralph.
Sino na ang mag-iintindi sa interest ng mga nasasakupan?
Ayon prinsipyo ng paghugot sa isang kongresista sa posisyon at responsibilidad nito para italaga sa iba pang tungkulin na nasa ibang sangay ng pamahalaan, may kailangang magsulong sa pagpupuno at paghalili sa naiwang puwesto ng kongresista o anumang inihalal na poder.
Ngayon ay may nababasa na tayong panawagan sa paglalagay ng kapalit ni Recto sa kanyang iniwang katungkulan sa 6th District ng Batangas.
Sa oras na marinig na ang panawagang ito o ang Kongreso ay may malay nang kailangang punan ang nabakanteng posisyon ni Ralph, ang isa sa imumungkahi ng House of Representatives ay special election.
Irerekomenda ng Kongreso sa Commission on Elections o Comelec ang pagdaraos ng espesyal na halalan, halimbawa’y sa pagka-congressman o congresswoman ng ikaanim na distrito ng Batangas, halimbawa.
Sa ngayon ay ang Speaker of the House muna na si Martin Romualdez ang tagapag-alaga ng iniwang mga residente ni Recto.
Teka, hindi ba puwede ang kagyat na replacement para kay Ralph?
Puwede ba ‘yon sa isang demokratikong bansa tulad ng Pilipinas?
Kung may ideyang gano’n, si Vilma Santos kaya ang puwedeng pamalit sa kanyang mister.
Tutal, marami na ring karanasan sa pagiging kongresista ang aktres.
Pero hindi puwede ‘yon dahil nga sa ang isang batayan ng demokrasya ay halalan puwera na lang sa ibang sitwasyon.
Kahit naman si Vilma ay alam ang limitasyon ng katagang replacement.
“Nope. That is to be decided by Congress. Hindi po ako puwedeng replacement,” tugon sa amin ni Ate Vi nang tawagan namin siya kaugnay rito.
Kung irekomenda na ng Congress sa Comelec na magdaos ang eleksyon sa lone district ng Lipa at kailangang may tumakbo sa panig ng mga Recto, lalaban ba ang Star for All Seasons?
“No na pu muna,” ang sagot ni Santos.
Kung hindi tatakbo si Vilma Santos-Recto, ibuyo kaya niya si Luis Manzano, anak ng bituin kay Edu Manzano o si Ryan Christian Recto, supling ng aktres kay Ralph?
Abangan ang susunod na kabanata.
*************
Mara Lopez at American bf, ikakasal sa November
Aabangan din ang kabanata ng pagpapakasal ng magka-engage na sina Mara Lopez at Amerikanong negosyanteng si Chandler Booth.
Pagkatapos na ipahayag ni Mara ang kanilang engagement sa US noong isang taon, handa na silang lumagay sa tahimik ngayong taong ito.
“Mara and Chandler are getting married in the Philippines in November,” pahayag ng aktres at ng beauty queen, ang 1982 Binibining Pilipinas-Universe na si Maria Isabel Lopez, ina ni Mara.
Ayon kay Maria Isabel, sa El Nido ikakasal ang unica hija nila ni Hiroshi Yokohama.