Sino ba naman ang masisiyahan, maliligayahan o magmamalaki bilang Filipino sa katarantaduhan ng maraming kandidato sa pagka-barangay chairman, pagka-kagawad ng barangay at pagka-tagapangulo at konsehal ng Sangguniang Kabataan (SK)?
Ngayong araw na ito ay halalan para sa mga posisyong ‘yan.
Pero sana ay mag-isip-isip man lang ang mga botante o ang mga kandidato mismo sa Barangay at SK sa mga karumal-dumal nilang ginagawa lalo na sa panahon ng kampanya.
Ito ay ang pagnanakaw sa mga ari-ariang intelekt’wal mula mga tagapaglikha ng musikang ginamit nila sa kanta ng pagbebenta ng mga kandidato.
Mayroon kayang orihinal na musika o liriko man lamang na nalikha para sa mga jingle na pulitikal na isinahimpapawid sa panahon ng panliligaw sa publiko para iboto ang mga kandidatong ito?
Hindi natin na-monitor ang buong bansa sa mga patalastas na musikal ng mga anunsyo para sa mga pulitikong pambarangay at pang-SK dahil sa 42,000 ang lahat ng mga barangay sa Pilipinas.
Ang nahahayon lang namin sa pakikipakinig sa mga jingle ads ang aming masasabi o maihahalimbawa.
Pero tamang sabihin na ang mga kaganapan sa humigit-kumulang sampu o labing-isa na bayan at siyudad sa bansa ay iisa ang pattern sa paggamit ng musikang taglay ng mga campaign jingles na ito sa buong Pilipinas–ang walang habas na pagkopya ng musika ng mga popular na kanta para ilapat sa commercial music ng pangangampanya.
Lopez at Gumaca sa Quezon Province; San Pedro at Binan sa Lalawigan ng Laguna; Muntinlupa City, Tondo, Sampaloc, Paranaque City, Tumauini sa Isabela, Daet at Panganiban sa Camarines Norte, Kamuning at iba pang lugar ang maihahalimbawa namin.

Nakakapangalisag-balahibo na mapakinggan, halimbawa, ang kanta ni Inigo Pascual na “Dahil Sa’yo” o kaya naman ay ang rap music ni Gloc-9 o ang “Pamela One” ni Bayani Agbayani na pinapalitan ang mga letra para ibenta ang kandidato.
Nagpaalam man lang kaya o humingi ng pahintulot ang mga diyaskeng kandidatong ito sa mga kompositor o awtor o publisher ng mga kantang ‘yan.
Meron pang halaw sa mga kanta ng Aegis atbp.
Kung hindi ito pagnanakaw, ano ang tawag dito?
Silang mga nag-aambisyong maglingkod sa bayan upang maging kapitan o kagawad ng barangay at SK ay kailangang maging magandang halimbawa ng pamahalaan, ay sila pang magsisilbing huwaran ng pagnanakaw o korupsyon.
Hindi lang pangungulimbat o pagnanakaw nang malakihan sa gobyerno o pangungupit at iba pang pakikialam sa gamit ng iba kundi kahit ang paggamit ng musikang walang pahintulot ay pagnanakaw rin.
Saan ngayon pupulutin ang Pilipinas sa ganyang kalakaran kung sa mababang antas ng pulitika ay ganyan na kakriminal ang mga mauupong lider?
Ngayong araw na ito ay dapat iboykot ang mga kandidatong nangongopya ng kanta ng may kanta na disin sana’y dapat bayaran ang may-akda kundi man humingi ng permiso.
Ito namang mga singer na jingle ads ay kasapakat din maski na ang humugot sa internet o saanmang storage ng kanta.
Kawawang Pilipinas.
*********

DINALAW ni Kim Chui ang kanyang ate-atehan na si Kris Aquino sa US sa pamamagitan ni Batangas Vice-Governor Mark Leviste. Miss na miss na niya ani Kim si Kris.
Nagpapasalamat si Chui kay Mark sa pagbibigay-daan niyang makita muli ang Queen of All Media.
Hinahangad Chinita Princess ang lubusang paggaling ni Kris.