
Hindi na nga maaawat pa ang premyadong aktor na si John Lloyd Cruz sa kanyang pagtahak sa isa pang landas ng pagkaalagad ng sining.
Bukod sa pag-arte, ang pagpipinta ay niyakap na rin ni John Lloyd.
Tunay na nag-uumapaw ang talento ng binatang ito.
Kung hindi dahil sa mga talinong ito ay hindi siya pagtitiyagaan ng kanyang tagapagtuklas na si Reggie Picayo.
Si Reggie Picayo ay isang dating movie reporter na lumipat sa pagtuklas ng talents na gagawin niyang bituin sa telebisyon at pinilakang tabing.
Si Reggie ang nakatuklas kay Wendell Ramos na naispatan niya sa may G. Tuazon Street sa Sampaloc, Manila.
Nangungupahan na bedspacer si Picayo sa negosyanteng si Romy Gallego na may mamihan dati sa panulukan ng G. Tuazon at Sta. Teresita Street.
Si Wendell naman at ang kanyang pamilya ay nakatira sa isang simpleng bahay sa Governor Forbes Street.
Madalas tumambay noon si Wendell sa mami house nina Romy at doon nakita ni Reggie ang potensyal na pagkaaktor ni Ramos.
Si John Lloyd naman ay nakita ni Reggie sa SM Centerpoint sa Sta. Mesa na naglalakad sa pasilyo ng mall.
Malakas ang loob ni Picayo sa paglapit sa inaakala niyang magiging sikat.
Ibinigay ni Reggie ang kanyang call card kay Cruz at mula noon ay nagtalamitam na sila.
Inalagaan talaga ni Reggie si Lloydie sa panahong nakilala na ni Wendell ang nasirang peryodista at talent manager na si Douglas Quijano.
Nawala na si Ramos sa pagkandili ni Picayo kaya si Cruz naman ang kinandili ni Reggie.
Pero nawala rin si John Lloyd sa kanya dahil ayon kay Picayo, nang pipirma na si Cruz ng kontrata sa ABS-CBN ay ang nanay nito ang lumagda sa kasunduan at hindi si Reggie.
Pero nagpatuloy ang buhay para kina Lloydie at Picayo.
Magkahiwalay na sila ng diskarte.
Pumailanglang sa katanyagan si John Lloyd pero si Reggie ay nanatiling naghahanap ng mga bagong talent pero wala pa siyang umaabot sa kasikatan nina Ramos at Cruz.
Alaga rin nga pala ni Picayo si Alma Concepcion.
Nagwawagi na ng mga parangal si John Lloyd pero si Picayo ay nagtitiyaga pa rin.
Nagpipinta na si Cruz pero si Reggie ang ipinipinta ng buhay.
Hindi naman kataka-takang mabighani si Lloydie sa sining biswal dahil ang kanyang kasintahan ngayon na si Isabel Santos ay mula sa angkan ang mga visual artist.
Lolo ni Isabel si Mauro Malang Santos, isang respetadong manlilikha.
Panahon na nga para gawaran si Malang Santos ng National Artist Award.
Gayunman, may indibidwal na katangian si John Lloyd bilang pintor na wala sa iba.
Kaya nga si John Lloyd ay tinawagan agad ni Dranreb Belleza, ang sikat na aktor na ngayon ay pintor na rin.
Si Dranreb kasi, sa tulong at suporta ng bituin at 1982 Binibining Pilipinas-Universe na si Maria Isabel Lopez para makasama si John Lloyd sa kolektibong art exhibit na “Screenscapes” na ginanap sa White Room Gallery ng International House nb SEMEO INNOTECH sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Diliman, Quezon City.
Hindi nagdalawang salita sina Dranreb at Maria Isabel para mapaoo si John Lloyd na isama ang kanyang mga likhang-sining sa pagtatanghal na ito.
Sa kasamaang-palad nga lamang ay hindi nakadalo si Cruz sa pagbubukas ng palabas na nagsimula noong ika-10 ng Enero, 2024 at magtatapos sa ika-17 ng Pebrero ng kasalukuyan ding taon.

Bukod kina John Lloyd, Lopez at Belleza, ang iba pang bituin na kasali sa painting show ay sina Evangeline Pascual, Jao Mapa, Cris Villanueva, Shamaine Centenera Buencamino, Jet Rai (ang dating si Jet Alcantara), Sandino Martin, Ernie Garcia, Elizabeth Oropesa, Melissa Mendez, Lotlot de Leon, Leandro Baldemor, Nina Ricci Alagao-Flores, Louie Ignacio at Jeanette Kamphuis.
Hindi rin nakarating sina Baron Geisler at Epy Quizon.
Matagumpay ang art show na ito na dinaluhan din nina Janine Gutierrez, Noni Buencamino, Emmanuel de la Cruz, Alice Vergara at marami pang iba.
Si Ramon “Bong” Revilla, Jr. ang panauhing tagapagsalita kasama ang dating kalihim nv Department of Education na si Leonir Briones at National Artist for Film na si Ricky Lee.