NARARAMDAMAN ang bagong sigla ng movie industry. Marami na ulit nagpoprodyus ng mga pelikula. Maraming mga datihang artista ang muling bumabalik sa larangan ng pag-arte. Bigla, hinahanap ngayon si Angel Locsin.
Hinahanap si Angel, dahil matagal na siyang hindi gumagawa ng pelikula at teleserye. Hindi rin siya ngayon masyadong aktibo sa social media. Ang mga huling ganap niya sa personal na buhay ay ang mamahagi ng tulong sa mga nangangailangan, lalo na nu’ng kasagsagan ng pandemya.
Maraming ginawang pagtulong si Angel na ang mas nakararami ay hindi na nahahayag, dahil ayaw niya ring maipangalandakan sa media.
May kakayanan naman kaso si Angel na makagawa ng mga pagtulong, dahil yumaman at nakapag-ipon siya mula sa kanyang pagsikat bilang artista. Big star siya, at naging mabentang product endorser nu’ng dalaga pa lang siya. Hindi siya maluho sa buhay. Simple lang siyang talaga.
Sabik na rin ang maraming fans ni Angel na mapanood siya sa pelikula at teleserye. Nami-miss na rin siya ng marami niyang kaibigan sa showbiz, dahil totoo siyang tao at tapat makisama.
Misteryosa ngayon ang dating ni Angel dahil ayaw nga muna niyang magpakita. Sa mga pagtatanong sa malalapit niyang kaibigan sa showbiz ay sinasabi nilang hindi lumalabas ang aktres kapag mataba siya. Ilang taon na kasi ang nakalipas, nagkaroon siya ng problema sa health. Epekto umano ng iniinom na mga gamot ang ‘di mapigilang pagtaba ng aktres.
Pero ang nakakatuwa lang, kahit tumataba si Angel ay napakaganda pa rin ng mukha. Hindi lang ‘yon dahil sa napakabait ng kanyang husband at businessman na si Mr. Niel Arce, kundi talagang isa si Angel sa may pinakamagandang mukha sa showbiz.
–o(O)o–
DONNY PANGILINAN, LUMULUSOT HABANG TAHIMIK ANG CAREER NI DANIEL PADILLA
HINDI lang naman pag-aartista ang iniikutan ng panahon ni Donny Pangilinan, kundi ngayon pa lang ay pasok na rin siya sa pagnenegosyo na impluwensiya ng kanyang mga magulang at mga ninuno.
Dahil nasa showbiz na rin lang, habang patuloy na umiinit ang kanyang popularity dahil sa tambalan nila ni Belle Mariano na napapanood sa teleseryeng “Can’t Buy Me Love” ng Kapamilya network, ay pinapasok na rin ng guwapong aktor ang pagsosyo sa pagpoprodyus ng pelikula.
Hindi naman ito nakapagtataka, dahil nasa lahi ng kanyang Mommy na si Maricel Laxa ang pagsabak sa pagpoprodyus ng mga pelikula. Si Maricel ay apo ng nagmamay-ari noon ng Tagalog Ilang-Ilang Productions na nakagawa ng maraming pelikula, ‘tulad ng maraming bilang ng mga pelikulang ginawa roon ng Star for All Seasons na si Vilma Santos.
Pero sa ngayon, sobrang enjoy si Donny at parang walang kapaguran sa kanyang mga kaabalahan sa pelikula man o teleserye. Hindi siya halos mababakante sa kabuoan ng 2024.
Puro positive ang mga kaganapan ngayon sa career ni Donny. Lalong nararamdaman ang kanyang patuloy pang pagsikat habang medyo may lamlam at nananahimik muna ang career ni Daniel Padilla na ngayon ay umaani ng maraming pagbatikos, dahil sa naging hiwalayan nila ni Kathryn Bernardo.
Oo naman. Yong pagiging number one sa kasikatan at kaguwapuhan ni Daniel na minahal ng masa nung buo pa ang loveteam nila ni Kathryn noon, ay si Donny ang napapansin nilang puwedeng idolohin, lalo pa’t napakabait sa mga fans ni guwapo at matangkad na ka-loveteam ni Belle Mariano.