MGA FANS NINA VILMA SANTOS AT NORA AUNOR, TULOY PA RIN ANG BANGGAAN

WALA pa ring makakapantay sa patuloy na suportang ipinapakita ng mga fans nina Vilma Santos at Nora Aunor para sa kanilang mga idolo. Sa social media ay lalong mainit ngayon ang balitaktakan ng mga Vilmanians at mga Noranians.

Hindi na mga bagets ang Star for All Seasons at ang Superstar, pero dahil pareho pa rin silang nagbibida sa mga pelikula, ay buhay na buhay pa rin ang kumpitensiya ng dalawang premyadong aktres para sa kanilang mga tagahanga.

Nagbubunyi ang mga fans ni Vilma dahil nagbalik-pelikula na ang aktres sa pelikulang “When I Met You In Tokyo” kapareha si Christopher de Leon na kasali sa Metro Manila Film Festival sa December. Kasunod nito ay ilang bagong pelikula pa rin ang nakatakdang gawin ni Vi.

Samantala, inaabangan na ng mga fans ni Nora ang pagpapalabas ng pelikulang “Pieta” kasama si Alfred Vargas. Hindi man nakasali ang nasabing pelikula sa MMFF ’23 ay kontrobersiyal na pinag-uusapan sa showbiz na napakaganda raw ng movie na ito ni Guy.

Katulad ng dati, ang mga Vilmanians ay madalas na ngayon ang mga pagtitipon, nagpaplano bilang preparasyon sa kanilang suporta at pagsugod sa mga sinehan sa pagpapalabas ng comeback movie ng Star for All Seasons.

Ayaw din siyempreng magpahuli ng mga Noranians, dahil sa pinag-uusapang ganda ng pagkakagawa ng bagong movie ng kanilang idolo ay susuportahan din nila ang pagpapalabas sa mga sinehan ng movie ng Superstar.

Laban kung laban. Matira ang matibay, sa takilya man o sa paghakot ng awards bilang Best Actress sa susunod na taon dahil sa mga bago nilang pelikula.

Buhay na buhay pa rin talaga ang rivalry nina Vilma at Nora na pinatutunayan ng ilang dekada ng kanilang pagiging artista sa pinilakang tabing.

Ang kasikatan nina Vilma at Nora ay ipinagpapasalamat nila sa kanilang mga masugid na tagahanga, ang mga Vilmanians at mga Noranians na naghatid sa kanila sa dulo ng tagumpay na hanggang ngayon ay mahirap pa ring mapantayan ng ibang artista sa pagdaan ng panahon sa showbiz.

–o(O)o–

ALDEN RICHARDS, MASARAP MAHALIN

HINDI lang naman ang young actress na si Mikee Quintos ang nagkameron ng kakaibang lapit ng loob kasabay ng paghanga na naramdaman noon kay Alden Richards. Bagkus ay marami na sila, habang ang ibang kababaihan sa showbiz ay inililihim na lang ang kanilang nararamdaman para sa guwapong aktor.

Hindi manhid si Alden. Hindi lang talaga siya mapagsamantala sa mga babae para paglaruan ang kanilang mga damdamin.

Sa ngayon ay nananalo pa rin para kay Alden na mas pagtuunan ng pansin ang kanyang movie career habang mainit pa rin talaga ang kanyang popularity.

Para kay Alden ay may tamang panahon para sa maraming bagay katulad ng pagkakaroon ng lovelife.

Napakaguwapo ni Alden. Gentleman. Magaan katrabaho. Maraming artista ang gusto siyang makatrabaho, ‘tulad ni Beauty Gonzales. Dahil kakaibang experience na makasama sa project ang numero unong Kapuso actor.

Matalino lang si Alden sa kanyang showbiz career. Nang magkahiwalay na sila sa kanilang loveteam ni Maine Mendoza ay napatunayang puwede rin siyang ipareha sa ibang artista.

Blockbuster sa takilya ang movie na pinagtambalan nila ni Kathryn Bernardo, ang “I Love You, Goodbye!” at nag-hit din ang “Five Breakups And A Romance” nila ni Julia Montes.

Nagpapatuloy talaga ang suwerte ni Alden sa kanyang movie career. Dahil sa bago niyang pelikulang “Family Of Two” ay ang Megastar na si Sharon Cuneta ang kanyang kasama. Bida rin siya sa “Pulang Araw” ng Kapuso Network na malapit nang ipalabas.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

%d bloggers like this:
Verified by MonsterInsights