VILMA SANTOS, MABAIT NA KARIBAL NI NORA AUNOR

INAANI na talaga ngayon ni Vilma Santos ang naging bunga ng kanyang mga pagsisikap, bilang tao at artista. 

Hindi perpekto ang buhay, pero masayang nabubuhay si Vi ngayon yakap ang mga tinamong tagumpay. Kasama sa tagumpay niya ang kanyang pamilya, lalo na ang mga kapatid at naging pamilya nila, dahil malalim magmahal sa pamilya ang Star for All Seasons.

Bilang artista, sa layo ng narating na kasikatan ni Vilma ay mahuhuli mo siya sa kanyang mga salita, na tapos na para sa kanya ang rivalry nila ng Superstar at National Artist na si Nora Aunor. Nasa puso at isip ni Vi na anumang kumpitensiya sa kasikatan ang pinagdaanan nila ni Guy, ay nagkatulungan sila kesa maghilahan pababa. Ang katunayan, dalawa silang premyadong aktres na gumawa ng kasaysayan ng kasikatan na umabot na ngayon sa anim na dekada.

Maingat si Vilma noon at ngayon sa isyu nila ni Nora. Matalino si Vi, kinikilatis niya ang mga taong nasa paligid niya kung gustong siraan sa kanya si Guy. Sa totoo lang, kapag may may balitang may sakit ang Supertar, ang maiksing tanong lang ni Vi ay: “Eh, kumusta na siya?”

Alam ni Vilma ang limitasyon ng pagiging magkaribal sa popularity nila ni Nora noon. 

Isang panahon, iiwan na noon ni Vi ang programang “Vilma!” para magpakasal kay Senator Ralph Recto. Isang gabi ng friday, pagkatapos ng programa ay dumating sa dressing room ni Vi ang noon ay pinakasikat na fan ni Nora, si MANDY DIAZ kasama ang columnist at Noranian din na si Lito Gonzales-Ilas. Noon ay may tampuhan sina Guy at Mandy. Sa paglapit ni Mandy kay Vi ay nagsumbong siya at nagkuwento ng mga reklamo tungkol sa Superstar. Naroon din kami sa dressing room. Nakinig lang si Vi sa mahabang kuwento at reklamo ni Mandy. Pero sa dulo ng kuwento, walang sinabi si Vi, kundi: “Darling, magkakaayos din kayo…”

Tama si Vilma. Nagkabati at nagkaayos din sina Nora at Mandy bago pumanaw ang sikat na movie fan. Sad to say, namayapa na rin ilang taon na ang nakalilipas ang writer na si Lito Gonzales-Ilas, na kahit isang Noranian ay sobrang minahal si Vilma. Si Lito po ay naging kaibigan namin sa showbiz nung nabubuhay pa siya.

JUDY ANN SANTOS, HINDI ALIPIN NG KANYANG MOVIE CAREER

NAGBABALIK-TELESERYE na si Judy Ann Santos, dahil isa siya sa mga bida sa teleseryeng “The Bagman” kasama sina Arjo Atayde at Tirso Cruz, III. 

Kahit tinaguriang reyna ng teleserye ay parang lagi siyang may kaba kasabay ng sobrang saya kapag mayroon siyang bagong teleserye. Magmula kasi nang magpakasal sila ni Ryan Agoncillo ay hindi na muna siya madalas gumawa ng teleserye.

Walang nagbabawal, dahil nagkakaintindihan sila ni Ryan pagdating sa pagtanggap ng mga proyekto. Si Juday talaga ang may pumili ng desisyon, na magbabawas muna siya ng kanyang trabaho. Ngayong malalaki na ang mga anak nilang sina Lucho at Luna ay game na ulit si Juday gumawa ng pelikula at teleserye na gusto niyang gawin

May paninindigan si Judy Ann sa kanyang sinabi noon sa kanyang mga fans, na huwag naman silang magtatampo kung malimitahan na ang kanyang pag-aartista dahil sa pamilya nila ni Ryan. Sa showbiz na daw kasi siya nagdalaga, niligawan at nag-asawa.

Masaya ang mga fans ni Juday, dahil nakikita nila ngayon ang masayang pamilya ng aktres. Lumaking mababait sina Lucho at Luna. Pang-artista ang mga hitsura nina Lucho at Luna, pero gusto nina Juday at Ryan na magtapos muna sila ng pag-aaral bago tuluyang mag-showbiz.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

%d bloggers like this:
Verified by MonsterInsights