Bea Alonzo at Dominic Roque, hiwalay na

Pagkatapos nina Jericho Rosales at Kim Jones, sina Dominic Roque at Bea Alonzo naman ang nagsaulian ng mga kandila.

Tunay na hindi naniniwala ang mga taong ito sa walang hanggan na relasyon.

O kung naniniwala man sila, sila ngayon ang mga biktima nang taliwas o umaakmang paniniwala.

Kailan lang nga ba nag-engagement sina Dominic at Bea?

Hindi nga ba’t sa set pa ng ginagawang teleserye ni Alonzo siya inalayan ni Roque ng engagement ring na hindi lang nagpakilig kundi nagpamangha sa dalaga?

Saksi ang apat na sulok at ang mga dingding sa lugar na ‘yon sa pagmamahalan at paghahanda nina Bea at Dominic sa kanilang kinabukasan at pamilya.

Naglingkisan sila at nagtukaan upang ipahayag sa buong mundo ang kanilang pag-iibigan. 

Noong Hulyo ‘yon noong isang taon.

Ngayon ay hiwalay na sina Bea at Dominic.

Buwag na ang BeaDom.

Wasak-wasak na ang ginintuang pag-asa ng mga pangarap nina Roque at Alonzo.

Kung anu-ano ang mga lumalabas na dahilan sa pagkalansag ng personal na pagkakakawing ng dalawang idolo ng mga kabataan at magsing-irog.

Tunay na misteryoso nga ang pag-ibig at ang hiwaga nito ay nasasalamin sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao sa isang lipunan at ng mga pagkilos at pagpapasya ng mga taga-showbiz.

Sino ang may kasalanan?

Ano ang dahilan ng hiwalayan?

May maituturing bang bida sa totoong dramang ito ng buhay?

May masasabi bang kontrabida?

Maibabalik pa kaya ang nasira o nagkalamat nang relasyon o ugnayan?

Paano na ang mga bukas nina Bea at Dom?

Ano na?

Pinagbibintangan ng mga netizen si Bea dahil sa may naisulat si Dominic na cryptic message sa kanyang Instagram na ang sabi’y “isang lobong nakabalot o nabibihisan o nalalambungan o nasa panlabas na anyo ay tupa.”

Nagkagulo ang mga Maritess at mga miron.

Na kesyo si Alonzo mas malamang ang tinutukoy ni Roque.

Gayunman, mabilis na umaksyon ang kampo ng mga Roque.

Ang kapatid ni Dom na si Anthony Roque ang nagdepensa sa kanyang utol.

“Hindi si Bea ‘yon,” pakli ni Anthony sa kanyang social mediang espasyo.

Pagkuwan ay naglabas din si Dominic ng kanyang saloobin sa kanyang Instagram.

Ito ang nakasaad sa post: “Bea is a beautiful person inside and out.”

Lalo namang kumakapal ang kuwento.

Ito ay dahil lumabas ang isyu ng pre-nuptial agreement.

Ang prenup ay inihahain sa dalawang panig ng magkakaasawahan para malaman ang kani-kanilang mga karapatan at katungkulan sa mga legal na aksyon o bagay na maaaring pagmulan ng di-pagkakaunawaan kaya habang maaga ay nagkakasundo na ang dalawang partido, halimbawa’y sa hatian ng mga responsibilidad o mga ari-arian na naipundar ng bawat isa at ano ang gagawin sa mga ito kung sumapit ang mga hindi inaasahang pangyayari tulad ng kamatayan o separasyon.

Maraming ari-arian o kayamanan si Bea na kailangan niyang pangalagaan samantalang mahal niya si Dom.

Payag naman umano si Roque sa kasunduang ito.

Pero bakit naghiwalay pa rin sila?

O baka may malaki ring kayamanan si Dominic na hindi natin alam, di ba?

Samantala, may inilabas namang pasabog si Cristy Fermin na ang may-ari ng condo unit ni Dominic sa Bonifacio Global City o BGC ay isang mayamang pulitiko.

Wala naman siya ani Cristy na sinasabing may relasyon ang aktor sa pulitiko.

Kahit nga sa awards night ng 2nd Philippine Leaf Awards sa Metropolitan Theater noong Huwebes ng gabi kung saan nanalo si Ice Seguerra ng Best Solo Concert ay usap-usapan pa rin ang hiwalayang Bea at Dom.

Kaya lang, dapat ani Frank G. Rivera na talakayin ang maseselang bagay na tulad nito sa konteksto ng multidisiplinaryong pagsisiyasat sa sosyo-pulitikal na kondisyon ng tao sa kanyang lipunan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

%d bloggers like this:
Verified by MonsterInsights