Sarah Lahbati, binigyan ng birthday party ang anak nila ni Richard Gutierrez
Kay Sarah Lahbati nagsimula ang lahat.
Kinausap ni Sarah ang eskuwelahan ni Zion Gutierrez, ang panganay nila ng mister na si Richard Gutierrez. Kung puwede na sa paaralan ng labing-isang taong gulang na si Zion gawin ang pagtitipon na pinayagan naman ng pamahalaan ng eskuwelahan. Kaya naman parang pista ang araw na ‘yon ng kapanganakan ng anak nina Lahbati at Richard.
Nakipag-ugnayan si Sarah sa catering, cake house, giveaway makers, balloons and other party needs at naipagkaloob naman ng mga establisimyentong ito ang mga kakailanganin sa piging.
Walang ibang gagawin si Lahbati kundi tanggapin nang buong puso ang pagdalo ng mga panauhin ng kanyang anak na karamihan ay mga kaklase o kaeskuwela at ng mga magulang ng mga ito. Siyempre, nandoon din ang mga guro at iba pang awtoridad ng paaralan.
Naging masaya at di-makakalimutan ang pagtitipon na ‘yon. Ang mga bagets at paslit na kaibigan at kaeskuwela ni Zion ay masayang-masaya sa kanilang pakikibahagi sa mahalagang araw ng ngayon ay binatilyo na.
Pati ang nakababatang kapatid ni Zion na si Kai Gutierrez ay nandoon, dahil bukod sa kaputol niya sa pusod ang may kumpleanyo, ay mag-aaral din siya ng eskuwelahang ‘yon. Nandoon din ang nanay ni Sarah at ang iba pang mga kaibigan at kawaksi nito.
Ang wala lamang ay ang tatay at ang pamilya ng Gutierrez.
Isang one piece-themed birthday party ang idinaos ni Lahbati para sa kanilang panganay ni Richard.
Oo. Gano’n na talaga ang pag-inog ng buhay dahil ang dating mga paslit na kambal na sina Richard at Raymond Gutierrez ay may mga responsibilidad na sa buhay hindi lang sa pag-aasawa kundi sa pagiging magulang lalo na sa panig ni Richard.
Bagamat wala pang opisyal na pahayag nina Sarah at Richard sa kanilang estado ng pamilya ay pisikal silang hindi magkasama.
Ayon sa isang panayam kay Lahbati nang tanungin siya ng isang peryodistang pampelikula kung nag-uusap sila ng asawa, walang kagatul-gatol na sinabi ng aktres na “No.”
Kailan kaya magkakasama sina Sarah at Richard?
*********
Samantala, nagkasamang muli ang artista, direktor, manunulat at iba pang opisyo na si Frank G. Rivera at ang tagapagtatag ng Philippine Educational Theater Association o PETA at progresibong alagad ng sining na si Cecil Guidote-Alvarez.
Ito ay sa panunumpa para sa kapakanan ng kalikasan mula sa pakikipag-ugnayan sa United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO).
Tunay na buhay na buhay ang ugnayan ni Cecil at ng UNESCO.
Panauhing pandangal sa okasyon ang Consul General ng bansang Estonia na si Eduardo Pena na naging staff pa pala ng yumaong senador na si Heherson “Sonny” Alvarez na siya ring hinandugan ng pasinaya ni Guidote-Alvarez bilang paggunita sa pag-ugit ng pulitiko ng batas para isulong ang pangangalaga sa kalikasan.
Si Frank naman ang bumasa ng mensahe ng Argentinian dancer na si Marianela Nunez na pinapurihan din ng Earth Savers drama group ng mga pilay, bingi, bulag at PWD dahil sa kontribusyon nito sa pandaigdig na sayaw.
Dumalo rin sa programang idinaos sa Manila Clock Tower sa Manila City Hall si Atty. Elba Cruz, ang curator ng Museum, Rene Napenas, ang publicist ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA), Joe Lad Santos, peryodista, atbp.