PAREHONG busy sa showbiz ang mag-asawang Jessy Mendiola at Luis Manzano. Kaya naman ngayong eight months old na ang anak nilang si Isabella Rose Manzano ay mayroon silang pakiramdam na mahirap umalis para pumunta sa kanilang shooting o taping, dahil gusto nilang palaging makasama at makalaro si Baby Peanut.
Sanay ang kanilang baby sa istilo ng pagpapasaya at paglalaro sa kanya ng mommy’t daddy nito.
Palibhasa’y unang anak, kaya naman hindi ipinagdadamot nina Jessy at Luis ang mahaba nilang oras para makasama nila ang kanilang anak.
Mabilis daw ang takbo ng panahon. Gusto nilang ma-enjoy na makita si Isabella Rose habang lumalaki. Ito raw ang panahon na sobra nilang ine-enjoy ang kanilang pagiging mommy’t daddy.
Ang Star for all Seasons na si Vilma Santos ay nagpahayag noon, na sa pakiramdam daw niya ay nagkulang siya ng panahon kay Luis nu’ng baby pa lang ang magaling na tv host.
Pag-amin ni Vilma ay dahil sa sobrang busy siya noon sa paggawa ng maraming pelikula, lalo pa’t may kinaharap siyang malaking pagkakautang sa BIR.
Paliwanag ni Luis, kinalakihan niya na sobrang busy sa career ang kanyang mommy. Pero mabilis din niyang naintindihan ang sitwasyon.
“Busy ang mommy ko, dahil maraming dahilan. Pero, walang panahon, oras o minuto sa buhay ko na inisip kong nagkulang ang mommy ko sa panahon ng pagpapalaki sa akin.
“Dahil anumang kaabalahan sa showbiz ang ginawa ng mommy ko noon, iyon ay ginawa niya para sa aming lahat na pamilya niya,” paliwanag ni Luis.
KC CONCEPCION, PANGARAP MAGKAROON NG SARILING BUONG PAMILYA
NAPAPANAHON ang pagsisiwalat ni KC Concepcion kung ano ang kanyang nararamdaman bilang isang anak na produkto ng nagkahiwalay na mga magulang, na siyempre pa’y sina Megastar Sharon Cuneta at dating matinee idol na si Gabby Concepcion.
Hindi ito dahil sa promo lang ng kanyang bagong pelikula, ang “Asian Persuasion” na hudyat na rin ng kanyang pagbabalik-pelikula na kanyang inasam pagkatapos ng ilang taong pamamahinga sa showbiz.
Positive nga ang dating ng paglantad ni KC dahil may ipalalabas siyang pelikula. Nahagilap ng mga press people ang magandang aktres, natanong at nagpaliwanag.
Si KC ay hindi basta-basta nagsasalita. Busy kasi siyang tao, dahil mayroon siyang mga negosyo na pinagkakaabalahan. Hindi rin siya ang tipo ng Celebrity na madaling mahagilap. May pagka-conservative siya, kaya hindi siya ang tipo ng artista na pakalat-kalat sa bar, sa party, sa Mall at iba pang gimikan.
Pinakamalungkot na binitiwang pahayag ni KC ay ‘yong para siy\
ang laging nasa gitna ng sitwasyon. Panganay siyang anak, pero mayroong magkaibang pamilya ang mommy’t daddy niya.
Kaya nga maagap siyang bumukod ng tirahan. Iyon ay dahil mahirap ang sitwasyon, laging may paninimbang sa pakikisama sa sumunod na naging pamilya ng kanyang mga magulang.
Kaya si KC, sa patuloy na pakikipagrelasyon sa mga lalaking minamahal ay nagiging maingat, at naroon ang pag-asam na magkaroon sana siya ng buo at sariling pamilya.
ISABEL RIVAS, HINDI MATARAY NA BIYENAN KAY NADINE SAMONTE
MAHUSAY na kontrabida sa mga pelikula at teleserye ang aktres na si Isabel Rivas. Epektibo sa pagganap sa role ng isang donya na matapobre, mapang-api, mapanlait at mapaghiganti.
Kabaligtaran iyon sa totoong buhay. Dahil hindi siya mayabang, hindi matapobre at hindi mapanlait.
Si Isabel ay mayroong Hacienda sa Zambales. Ibang tao ang nagkukuwento tungkol sa kanyang mga ari-arian at maginhawang buhay.
Kaya natatawa si Isabel sa mga nagbibiro kung sa totoong buhay ba ay hindi niya inaapi ang kanyang manugang na si Nadine Samonte?
Si Nadine ay Kapuso star, at ngayon ay nagbabalik-showbiz at muling gaganap sa teleseryeng “The Missing Husband” ng GMA-7.
“Wala kaming ganyang isyu ni Nadine,” pagtanggi ni Isabel.
“Dalaga pa lang kasi si Nadine ay magkakilala na kami. Close na kaming dalawa.
“Dati kasi ay nagkasama kami ni Nadine sa isang teleserye sa TV-5.
“Ako nga ang dahilan kaya nagkakilala sina Nadine at ang anak ko (Richard Chua), nagkaligawan at nagkatuluyan.
“Sobrang okey kami ni Nadine. Nagpapasalamat ako sa kanya, dahil may masayang pamilya ang anak ko.
“Salamat din kay Nadine, binigyan niya ako ng mga apo. Napakasaya ko ngayon. Napakasayang maging lola.” (Bongga! by: MELCHOR BAUTISTA)