SA panibagong pagkakataon ang social media account ni Manila Mayor Honey Lacuna ay pineke na naman.
Base sa isang post sa kanyang official Facebook page ay nagbigay ng babala si Dra. Honey Lacuna.
Ayon sa lady mayor : “Beware of impersonation and ensure you’re following the right sources for accurate information.”
“May nagpapanggap na naman at ginagamit ang pagkakataong ito para manloko ng kapwa. Hindi po ako si Salvi Gatmaitan, ako po si Mayor Dra. Honey Lacuna- Pangan at ito lang po ang aking facebook account. Mag-ingat po sa matinding sikat ng araw pati na rin sa mga mapagpanggap sa paligid. Labyu!”, pahayag ng alkalde sa kanyang official FB page, kung saan nagbigay din siya ng tips kung paano matukoy ang fake accounts.
Hinimok din ng alkalde ang mga netizens na i-check ang Facebook URL, dahil ang official page ay may unique at verified URL at para ma- verify din nila ang account type. Sinabi pa ni Lacuna na ang official government accounts ay gumagamit ng Facebook Pages at hindi personal profiles.

Dagdag pa ni Lacuna na mahalaga din na i-check ang bilang ng followers dahil ang mga official page ay may significant following kumpara sa pekeng account.
“Be cautious of suspicious posts. Mayor Honey Lacuna’s official page never demands money, mobile load or any form of financial transaction,” idinagdag pa ng alkalde na kailangan din na i-cross-check ng publiko ang official government websites at dapat ang ipdates ay mag- match sa trusted sources.
Nabatid na ang latest fake account ay nanghihingi ng phone numbers at nag-aalok ng libreng load bilang kapalit.
Matatandaan na February nang nakaraang taon, isang pekeng FB account ni Lacuna ang biglang lumitaw sa online kung saan ang kanyang official page ay pinalabas na personal account.
Kasabay ng pagbibigay babala ni Lacuna sa publiko na wag magpabiktima sa nasabing fake account, ay pinasalamatan niya rin ang nagreport ng nasabing pekeng social media account.
Bago ito, isa pang parehong poser Facebook account na gumamit ng kanyang name, picture at pati mga posts ay ginamit sa social media upang palabasin na siya ang nagma-mayari ng nasabing page.
Ganito rin ang nangyari noong 2023, kung saan ang spokesperson ni Lacuna na si Atty. Princess Abante ay naglabas pa ng statement.
“We ask the public to help report this unauthorized social media account impersonating the City Mayor,” saad nito.
Ikinalungkot ni Abante na ang legitimate Facebook page ng alkalde na ginawa para mabigyan ang publiko, lalo na ang mga residente ng Maynila ng accurate at updated information tungkol sa mga ginagawa ng administrasyong Lacuna at kung ano ang nangyayari sa lungsod.
Maliwanag na isa uli itong pagtatangka na iligaw ang publiko, dagdag pa nito.
Maliban sa official Facebook account ni ‘Dra. Honey Lacuna,’ ang isa pang lehitimong source ng information tungkol sa Maynila ay ang Manila Public Information Office or (MPIO) Facebook account, saad pa ni Abante. (MARISA SON)