Makakatanggap na ang mahigit sa 18,000 college students ng dalawang city-run universities ng Maynila ng kanilang dalawang buwan na monetary assistance.
Ito ay matapos na ipag-utos ni Mayor Honey Lacuna ang paglalabas ng pondo para sa 18,692 na mga estudyante ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) at Universidad de Manila (UDM), kung saan bawat isang estudyante ay makakatanggap ng P2,000 monthly financial assistance na sakop ang buwan ng Nobyembre at Disyembre 2024.
Ang PLM ay mayroong 8,200 benificiaries samantalang ang UDM ay may bilang naman na 10,492 estudyante.
Ayon kay Lacuna, maaari ng kunin ng mga estudyante ng PLM ang kanilang pera sa pamamagitan ng kanilang debit card accounts samantalang ang mga taga UDM ay may iskedyul ng petsa sa pagbibigay ng pay out.
“Ang maliit na tulong na ito ay patunay ng ating buong suporta sa ating mga mag-aaral para makatulong na makapagtapos sila sa kolehiyo,” ayon kay Lacuna.
Kumakatawan sa P1000 monthly financial assistance ang nasabing halaga na ibinibigay ng pamahalaang lungsod.
Bahagi ng social amelioration program (SAP) ang probisyon para sa buwanang allowances ng mga college students na nilikha at ipinasa noong si Lacuna pa ang Presiding Officer ng Manila City Council na kaniyang hinawakan noong siya pa ang Vice Mayor ng Maynila. (MARISA SON)