INILAHAD ni former two-term Congressman Manny Lopez, na ang pagnanais na tunay na maiangat ang antas ng pamumuhay ng mga residente ang kaniyang prayoridad kaya muli siyang nagbabalik upang tumakbong bilang representative ng First District ng Maynila.
Sinabi ito ni Lopez sa harap ng mga mamamahayag sa news forum ng “MACHRA Balitaan ” na isinagawa ng Manila City Hall Reporters Association sa Harbor View Restaurant sa Ermita, Manila.

Inilahad pa niya na ang District One na may 270,000 populasyon ang itinuturing na may pinakamahirap na antas ng pamumuhay kaya’t kailangan ng lider na may tunay na paninindigan at exceptional quality of leadership ang mamumuno dito.
“Tapat at totoo, pangmatagalan at hindi pansamantala lamang ang dapat na mailuklok sa pwesto,” ayon pa kay Lopez matapos niyang banggitin na isa sya sa 40 Congressman na nanindigan at bumoto ng “No to Death Penalty” sa Congress dahil naniniwala siya na ang Panginoon ang nagbigay ng buhay at ito lamang may karapatang kumuha nito.
Sa question and answer portion ng news forum, sinabi si Lopez na ang isang paraan para masolusyunan ang kahirapan ay pagandahin ang ekonomiya ng bansa.
“Pag maganda ang ekonomiya hindi ka magnanakaw. Masosolusyunan ang problema sa kabuhayan, kalusugan at tirahan,” ayon pa kay Lopez.
Nabanggit din ni Lopez na sa mga nagdaang administrasyon ang kaniyang ama na si dating Mayor Mel Lopez ang kaniyang naging huwaran sa pagsisilbi sa mga residente ng Maynila dahil on record wala umano itong naiwang utang bagkus ay nag-iwan pa ng pondo para magamit ng susunod na administrasyon gayundin sina former Mayors Fred Lim, Lito Atienza at Joseph Estrada.
“Hindi solusyon ang utang, dapat ang lider marunong maghanap ng pondo,” saad niya kung saan nagkomento ito sa taglay na husay ng liderato ni Mayor Honey Lacuna sa pagiging resourceful at efficient sa fiscal management at tax collection kaya nakakabayad unti-unti sa naiwang utang ni Moreno.
Nanindigan si Lopez na si Lacuna pa rin ang best choice para maluklok na alkalde ng Maynila na may platapormang “tapat at totoong pamumuno. Ito ang dahilan kung bakit siya ay sumapi sa Asenso Manileno na pinamumunuan nito.
Naniniwala aniya si Lopez na sa kabila ng pamumudmod ng pera at pagkakalat ng kasinungalingan ng kanyang dalawang katunggali bilang paraan ng pangangampanya ay naniniwala ito na boboto ang mga ito na naayon sa kanilang konsensya at base sa mga nagawa ng isang kandidato.
“Pwede rin naman akong magsinungaling o mambudol pero hindi ko ito gagawin dahil may pruweba ako ng nagawa ko na at gagawin pa. NaniniwaIa ako na ang botante ng Tondo ay may dangal at prinsipyo kaya ipinagpapasa-Diyos ko na yan,” dagdag pa ni Lopez. (MARISA SON)