Sigaw ng ABKD sa Chinese Embassy: UNCLOS at 2016 Arbitral Ruling igalang, pairalin

NAGMARTSA patungong Chinese Embassy sa Gil Puyat, Makati ang daan-daang miyembro ng iba’t-ibang samahan at sektor sa pangunguna ng mga kabataan sa ilalim ng bagong tatag na katipunan ng mamamayang Filipino na  Alyansa Bantay Kapayapaan at Demokrasya (ABKD).

Kasabay ng kanilang pagmartsa ang kanilang panawagan sa bansang China na igalang ang mga pandaigdigang batas partikular ang United Nations Convention of the Law of the Sea (UNCLOS) at 2016 Arbitral Ruling.

Ipinahayag din ng ABKD sa pamamagitan ng kanilang tagapagsalita na si Rodolfo ‘RJ’ Villena Jr., na hindi kailanman malulutas ng karahasan tulad ng pangha-harass sa mga Filipinong sundalo at mangingisda sa West Philippine Sea (WPS) at  Exclusive Economic Zone (EZZ) ng Chinese Coast Guard (CCG) ang lumalalang tensyon sa nasabing lugar.

Sinabi rin ng grupo na layunin nila na pagkaisahin at pakilusin ang mga mamamayan para suportahan ang lahat ng programa, polisiya, at hakbang ng Administrasyong Marcos, Jr., hinggil sa pagtatanggol ng mga teritoryo ng bansa sa WPS at paggigiit ng mga karapatang pandagat sa EEZ ng Pilipinas sa ilalim ng United Nations Convention of the Law of the Sea (UNCLOS) at 2016 Arbitral Ruling. 

Kinokondena rin ng grupong ABKD ang mga agresibong aksyon ng bansang Tsina,  partikular ang China Coast Guard (CCG) sa West Philippine Sea (WPS) at Exclusive Economic Zone  (EEZ) ng Pilipinas.

Ang nasabing marahas na pagkilos ng CCG  ay lubhang nagdudulot ng pangamba at takot para sa mga mangingisdang Filipino, na tanging iginigiit lamang ay ang karapatang mangisda at makapaghanap-buhay para sa kanilang mga pamilya. 

Sinabi ng ABKD na hindi nila kinikilala ang anumang “Gentlemen’s Agreement” sa pagitan ng lider ng China at dating administrasyon, dahil  hindi ito aniya naayon sa mga umiiral na mga batas. 

Ang grupong ABKD ay muling inulit ang panawagan sa Tsina, na igalang ang mga pandaigdigang batas (UNCLOS at 2016 Arbitral Ruling).

Muling nanawagan sa lahat ng mga Filipino, matataas na lider ng bansa at mga mambabatas sa kongreso na magkaisa na at itigil na ang mga panawagang panggugulo. Bagkus, ay tumindig at manindigan laban sa pangbu-bully ng CCG sa mga sundalo at mangingisdang Pilipino sa WPS at EEZ ng Pilipinas.

Ang pananahimik at pagsasawalang kibo ayon pa sa grupo ay nangangahulugan lamang na pagsang-ayon sa lahat ng ginawang pangbu-bully ng CCG  at ito ay hindi makakatulong sa bansa kung ang mga bawat Filipino ay hindi nagkakaisa. 

Panahon na rin aniya upang isulong ang pagpapabilis ng pagsasabatas ng Mandatory Reserved Officers’ Training Corps (ROTC) bilang paghahanda sa mamamayan sa lahat ng uri ng kalamidad, sakuna, at terorismo. 

Matatandaan na sinabi ni PBBM na “Filipinos do not yield!”,  hindi ito nangangahulugan ng paghihimok ng giyera,  pero lalong hindi tayo magpaparaya. We Stand and Protect PBBM. (BONG SON)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

%d bloggers like this:
Verified by MonsterInsights