KAHIT sobrang malayo na ang narating ng nagtagal na kasikatan ni Regine Velasquez bilang numero unong biritera sa larangan ng pagkanta ay hindi siya pinagbago ng panahon ng kanyang katanyagan kung pagrespeto sa mga mas naunang sumikat kesa sa kanya sa kahusayan sa pag-awit.
Ngayon, pagkatapos ng kanyang napatunayan sa showbiz ay may mga nagsusulong na rin na dapat makasama na ang pangalan ni Regine sa hanay ng mga susunod na mapaparangalan bilang National Artist. Hindi na kasi matatawaran ang ibinahagi niyang talent sa entertainment world na sobrang hinangaan at nagpasaya sa masang Pinoy na mahihilig kumanta na kadalasan ay ginagaya ang istilo ng pagbirit kumanta ng wife ni Ogie Alcasid.
Masarap para kay Regine na madinig ang pagnanais ng marami na gusto na ring maiangat ang kanyang pangalan bilang National Artist. Pero ang sabi ni Regine ay baka hindi pa niya panahon, bagkus ay mas dapat maunang parangalan sina Pilita Coralles at Jose Mari Chan.
Maging sa patuloy niyang paghahawak ng kasikatan ay mapagpakumbaba si Regine na kinikilala ang kahusayan ng mga baguhang mahuhusay na mang-aawit. Si Nanette Inventor, isang mahusay na komedyanang singer ang nagpapatunay at nagsasabing mula sa simula hanggang sa kanyang pagsikat ay marespeto talaga si Regine sa mga beteranong mang-aawit. Kaya good karma si Regine na sikat na sikat pa rin siya hanggang ngayon.
YUL SERVO, KAILANGAN PA RIN SA SHOWBIZ
MABAIT at mahusay na aktor si Manila Vice Mayor Hon. John Marvin “Yul Servo” Nieto bago siya noon inangkin ng larangan ng pulitika. Kaya ngayon, kapag kailangan sa showbiz ng mahusay na aktor para sa pelikula o teleserye ay naiisip ang kanyang pangalan.
Nasa puso na kasi noon ni Yul ang adhikain na makapaglingkod sa mamamayan, kaya malungkot mang isipin ay nalimitahan na rin muna ang kanyang pag-aartista nang siya ay maging public servant.
Kung tutuusin ay sayang ang iniwan niyang pagkakataon sa showbiz. Nakagawa na siya ng maraming pelikula noon at marami pa sanang proyekto ang nakalaan niyang gawin.
Ang ikinatutuwa lang ni Yul ay marami nang magagandang nangyari sa movie career niya bago siya naging pulitiko. Ilang ulit siyang naparangalan bilang Best Actor. Sa dami ng kanyang nagawang pelikula ay narating agad niyang makasama sa movie ang kauna-unahang naging Miss Universe ng Pilipinas na si Ms Gloria Diaz habang naging leading man siya ng Superstar at National Artist na si Nora Aunor sa pelikulang “Naglalayag”.