GABBY CONCEPCION, MAY HANDOG PARA SA ANAK NA SI KC CONCEPCION

Photo from KC’s IG

NAPAKAGANDA ng closeness ng mag-amang Gabby Concepcion at KC Concepcion. Hindi naging isyu sa pagitan nila ang mahabang panahon ng hindi nila pagkikita dahil sa paghihiwalay nila noon ni Sharon Cuneta.

Isa sa pinakamaligayang sandali ng buhay ni Gabby nang manirahan siya noon sa ibang bansa, at isang araw ay hanapin at puntahan siya ni KC.

Sobra ang pagrespeto ni Gabby bilang daddy ni KC sa positibong ugali ng magandang aktres sa layunin nito na hindi man mabuo ang nagkahiwalay na mga magulang, ay mangyari sana na naroon ang respetuhan na parang magkaibigan.

Hindi lang ama ang hinanap ni KC noon. Hinanap, nilapitan at kinilala rin nito bilang mga kapatid ang iba pang anak ni Gabby sa iba’t-ibang babae na nakarelasyon ng dating matinee idol.

Mababaw lang ang kaligayahan ni KC. Kahit hiwalay ang kanyang mommy’t daddy at hopeless nang magkabalikan pa, ay masaya na siyang makitang muling magkasama sa show ang kanyang mga magulang.

Handog ni Gabby para kay KC ang kanyang desisyon niyang matuloy ang “Dear Heart” concert nila ni Sharon sa October 27.

Alam ni Gabby na sa pamamagitan ng nasabing concert ay mapapasaya niya si KC, at iyon din naman ngayon ang sobrang tuwa na ipinagmamalaki ni KC sa mga tao.

Samantala, kung may “Dear Heart” concert si Gabby, ay mayroon din siyang teleserye na malapit nang ipalabas, kapareha si Carla Abellana, ang “Stolen Life” na mapapanood sa GMA Afternoon Prime.

–o(O)o–

JANICE DE BELEN, SOBRANG MAKULAY ANG BUHAY

Photo from Janice’s Instagram

HINDI matatawaran ang kahusayan ni Janice de Belen bilang aktres. Ang katibayan ng kanyang galing sa pag-arte ay ang haba ng panahon na nasa showbiz siya at napapanoon sa mga pelikula at teleserye.

Bukod sa tunay na kahusayan, maraming paghuhugutan ng emosyon si Janice na magagamit sa pag-arte. Dahil ang kanyang buhay ay sobrang makulay.

Minsan ay napaiyak si Janice sa harap ng camera sa telebisyon. Baka daw nagkukulang siya o hindi siya perpektong magulang sa pagpapalaki ng kanyang mga anak.

‘Yong ganu’ng pakiramdam ay sumagi lang sa isip ni Janice. Dahil ang totoo, maraming humahanga sa kanya sa pagtataguyod niyang mapalaki ang kanyang mga anak.

Ang panganay niyang anak na si Luigi Muhlach ay sikat na ngayon bilang Chef.

Si Luigi ay anak nila ng dating nakarelasyong si Aga Muhlach.

Iyon ang isa sa makulay na parte ng buhay ni Janice. Ang nakakakilig na relasyon nila ni Aga na nauwi rin sa malungkot na hiwalayan.

Minsan, sa isang pakikipagkuwentuhan ng press kay John Estrada, ay sobrang proud ang mahusay na aktor, dahil sa mga pagpuri ng ibang tao sa loob at labas ng showbiz tungkol sa magandang pagpapalaki ni Janice sa kanilang mga anak.

Hindi nagpapakaperpektong ama si John sa kanilang mga anak ni Janice.

Pero masayang makita at madinig si John na nagsasalita ng pagsaludo sa kanyang ex-wife sa naging maayos na pagpapalaki nito sa kanilang mga anak, na mga malulusog, mababait at magagalang.

Panalo si Janice sa buhay bilang mapagmahal na ina sa kanyang mga anak.

–o(O)o–

NADINE SAMONTE, MASAYA SA PAGBABALIK-SHOWBIZ

SOBRANG naingatan ni Nadine Samonte ang maganda niyang mukha kahit mayroon na silang mga anak ng kanyang husband at businessman na si Mr. Richard Chua. Kaya naman pasado pa rin ang aktres sa kanyang pagbabalik-showbiz.

Pagkalipas ng sampung taong pamamahinga sa showbiz, si Nadine ay nagbalik sa pag-arte sa pamamagitan ng teleseryeng “The Missing Husband” ng GMA-7.

Natagalan ang pagbabalik-showbiz ni Nadine, dahil naging priority niya noon ang pamilya nila ni Richard Chua.

Dumaan din si Nadine sa matinding pagsubok sa kanyang kalusugan. Sinabi noon ng kanyang duktor, na hindi siya magbubuntis para magkaanak.

Grabeng lungkot at pinagdaanan at pinaglaban noon ni Nadine. Pero hindi siya nawalan ng pag-asa.

Hanggang sa maging maayos ang lahat tungkol sa kanyang health, at nagkasunod-sunod nga ang kanyang pagbubuntis.

Happy at kuntento na si Nadine sa takbo ng buhay niya bilang wife ni Richard Chua, at mommy ang kanilang mga anak. Pero nasabik talaga siyang mag-artista ulit.

Lumalaki na ang kanilang mga anak, kaya pumayag na rin ang kanyang husband sa muling pag-aartista ni Nadine.

Nauunawaan ni Richard ang pagmamahal at pananabik ni Nadine sa pag-arte, dahil artista rin ang kanyang mommy. Si Mr. Chua ay anak ng magaling na aktres na si Isabel Rivas. (BONGGA! by Melchor Bautista)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

%d bloggers like this:
Verified by MonsterInsights