PAULIT-ULIT na pinupuri ngayon si Daniel Padilla dahil sa bawat lugar na kanyang pinupuntahan, ay malayang nakakalapit sa kanya ang mga fans para magpa-picture. Iniintriga tuloy siya na baka ang nasabing mga kilos niya ng kabaitan sa mga tao ay pagkukunwari lamang para ilapit muli ang kanyang sarili sa mga tao, dahil maraming mas nagsimpatiya kay Kathryn Bernardo nung sila ay magkahiwalay.
Marunong makiramdam si Daniel sa mga tao sa kanyang kapaligiran. Aware siya na marami talagang nagalit at sumama ang loob sa kanya mula nang ianunsiyo ang hiwalayan nila ni Kathryn. Pinagtitiisan lang muna niya kung paano siya itrato ng mga taong naghinanakit sa kanya.
Mabait na tao si Daniel. Ipinagpapasalamat na lamang niya ngayon, na sa kabila ng mga pagbatikos sa kanya, ay marami na rin ang nagtatanggol sa kanya. Sa mga lugar na pinupuntahan niya ay dumog na lumalapit ang mga tao at ipinararamdam sa kanya, na anumang hirap at dami ng intriga tungkol sa kanya dahil sa hiwalayan nila ni Kathryn ay lilipas din iyon.
Isa sa magandang ugali ni Daniel na namana niya sa kanyang Uncle na dating Action Superstar na si Robin Padilla, ay pareho silang hindi takot na dumugin ng mga fans. Pareho silang marunong makipag-usap at diretsong makipagbiruan sa mga fans. Kahit pareho silang sikat na sikat na artista sa magkaiba nilang panahon ay pareho silang maamo sa mga tao.
NORA AUNOR, WALA NANG MAHIHILING PA SA BUHAY
MALAYO na ang narating ng pagiging artista ng ating Superstar at National Artist na si Nora Aunor. Marami siyang nakamit na panalo sa buhay bilang tao. Bilang artista ay hindi siya mahabang magkuwento ng mga pangyayari sa kanyang buhay. Pero sa kanyang puso at isip, maraming kuwento si Guy.
Nagbabago lang ang mga pangyayari sa paglipas ng panahon. Nagkakaedad ang tao. Pero sa mga pinagdaanan ng Superstar hanggang sa makarating siya sa edad niya ngayon, marami siyang dapat ipagpasalamat sa naging magandang takbo ng kanyang movie career na pumasok na rin sa anim na dekada ng kasikatan. Ang yaman sa buhay dahil sa pagiging sikat na artista ay naranasan ni Nora. Marami siyang pag-aaring malalaking bahay noon. Isang halimbawa ay ang magarang Mansiyon ngayon ng movie producer ng Regal Films na si Mother Lily Monteverde sa Valencia, Quezon City. Iyon ay isa sa mga Mansiyon na dating pag-aari ni Nora.
Simple lang talagang magdala ng personality si Nora. Nu’ng kabataan at kainitan ng popularity niya ay napakarami niyang tao na naabutan at natulungan ng pinansiyal para sa kanilang mga kagipitan. Hindi makasarili ang Superstar. Simple ang lifestyle niya ngayon. Iniintrigang naghihirap na daw siya. Walang makakapagpatunay niyan, dahil may mga ari-arin pa siya sa Bicol. Hindi rin siya takot maghirap, dahil sanay siya sa hirap noong probinsyana pa siya.
Sa ngayon, dahil sa pagkakaedad ay nagkakasakit na rin ang Superstar. Pero hindi pa rin siya humihintong umarte kapag may pagkakataon. May significant role siya sa ipapalabas na teleseryeng “Lilet Matias: Attorney At Law” na pinagbibidahan ni Jo Berry sa GMA-7.