PAGKATAPOS ng naging tagumpay ng showbiz career ni Aga Muhlach ay pansin na talaga sa movie industry na hindi na siya ‘yong tipo ng aktor na kabi-kabila kung tumanggap ng mga movie projects.
Hindi iniiwan ni Aga ang showbiz. Sa katunayan, sa dami ng alok sa kanya na muling gumawa ng mga pelikula, ay ang movie na makakasama si Julia Barretto ang kanyang tinanggap.
Paisa-isa at matagal ang pagitan ng mga taon ngayon bago gumawa ng pelikula si Aga. Ito na ‘yong panahon para sa kanya na pumipili na lang siya ng magandang project na gusto niyang gawin.
Kung bakit? Ito ay dahil natupad na niya sa buhay ang pinakamimithi niya para sa naging pamilya nila ng wife na si Charlene Gonzales.
Noon, kasabay ng init ng popularity ni Aga ay nagkukumahog siya sa paggawa ng maraming pelikula at paglabas sa telebisyon, perang kikitain na para sa pag-aaral ng kambal nilang anak na sina Atasha at Andres Muhlach.
Napanindigan ni Aga na hindi muna siya papayag na pumasok din sa showbiz sina Atasha at Andres habang nag-aaral pa.
Natupad na ang kanyang pangarap, dahil tinapos ng kambal ang kanilang pag-aaral.
Napakasaya ni Aga sa mga panahong ito. Ine-enjoy na lang niya ang bunga ng kanyang naging kasipagan sa career nu’ng kanyang kabataan, at nakapag-ipon siya.
Sobra ang pagpapahalaga ni Aga sa kanyang masayang pamilya. Ito ang kanyang inspirasyon sa buhay.
ARA MINA, MAY KAKAIBANG SWERTE
WALANG tiyak na masasabing sekreto si Ara Mina kapag siya’y timatanong kung papaano niya nalampasan at napagtagumpayan ang mga naging pagsubok niya sa personal na buhay at showbiz career.
Sa personal na buhay ay maraming pinagdaanan si Ara, lalo na sa kanyang lovelife. Nagtatagal din ang kanyang mga pakikipagrelasyon, na kadalasang napupunta rin sa mga hiwalayan.
Pero sa dulo ng mga dinaanang kabiguan sa lovelife, dumating sa buhay niya ang kanyang husband na si Mr. Dave Almarinez, isang dating pulitiko sa Laguna.
Si Ara ang tipo ng artista na hindi umaasa lang ng ikabubuhay sa pagiging artista. Ilang negosyo na rin ang kanyang napasimulan, nabigo at paulit-ulit na bumangon sa mga negosyo hanggang sa makabawi.
Matiyaga si Ara. Ayaw niyang magpatalo at sumuko basta-basta kapag nakaranas ng kabiguan.
Sa career ay survivor din si Ara. Hindi siya huminto mula noon hanggang ngayon. Samantalang nalaos na ang ibang mga kasabay niyang pumasok sa showbiz.
Good karma ang host ng “Magandang Araw!” ng Net25 dahil hindi siya madamot. Napakabuti ng kanyang kalooban. Marami siyang natutulungan kahit hindi siya pulitikong tao.
Isang halimbawa ng kabutihan ni Ara ay ang kusang-loob na pagpapatira niya ng libre sa aktres na si Deboral Sun sa kanyang condo unit.
Si Ara ay may kapatid na Special Child. Pinaniniwalaan ng magandang aktres na ang pagmamahal niya sa nasabing kapatid ay nagbibigay sa kanya ng tuloy-tuloy na suwerte.
LANCE RAYMUNDO, SIMPLE LANG PERO BUSY SA SHOWBIZ CAREER
SIMPLE lang talaga si Lance Raymundo sa kanyang pagdadala ng personality. May talent siya. Magaling na aktor, pero una sa lahat ang kahusayan niya sa pagkanta. Kapatid siya ng mahusay ding singer na si Rannie Raymundo.
Marunong makuntento si Lance sa kanyang showbiz career. Hindi siya mahilig makipag-kumpitensiya o magpa-kontrobersiyal para mapag-usapan.
“Yeah. Happy na ako na nagtatrabaho lang para sa career ko,” wika ni Lance.
“Happy ako sa pasok ng 2023 in terms of my career. I had my very first leading man role in a romcom movie this year, sa ‘Thanks For The Broken Heart’ na official entry sa The Manila Film Festival.
“I also became the very first Filipino to host Miss Teen International in its 25 year run.
“It was held in Cambodia last June. They expressed interest in having me again this 2024 in India.
“I also got an inquiry for Miss Teen Universe which will be held in Cambodia.
“So, I’ve now established myself as an International Pageant host.
“And I have a weekly game show in Euro TV called ‘Tara Lezzgo Dito Star Ka!'”
Bukod sa guwapo na umaapaw ang breeding, ay sinasabing anak-mayaman daw si Lance. Kaya may intrigang hindi niya kailangan ng talent fee mula sa showbiz!
“Well, I think it’s about time na mabago na ang pananaw ng mga tao tungkol dito,” wika ni Lance.
“Talent and Artistry here nothing to do with a person’s lifestyle or upbringing.”
Kasama rin si Lance sa pelikulang “Miss Probinsyana” pati sina Rhian Ramos, Sid Lucero at Joseph Marco.