NAPAKASUWERTE ni Daniel Padilla, dahil nagtagal ang kanyang kasikatan sa showbiz. Malaking tulong din siyempre sa naging pag-angat ng kanyang movie career ang pagpapareha nila ni Kathryn Bernardo, dahil kinagat ng masa ang kanilang pagpapareha at pumatok sa masa ang mga teleserye at pelikulang ginawa nila.
Naging isang kahanga-hangang loveteam sa showbiz ang Kathniel. Kakaibang kilig ang hatid ng kanilang tambalan sa mga manonood, lalo na sa mga kabataan. Dahil ang sweetness na napapanood nila kina Kathryn at Daniel ay hindi akting lamang, kundi nauwi iyon sa labing isang taon ng tunay na relasyon.
Hindi biro ang labing isang taong relasyon. Ang dami-daming napasaya ng Kathniel. Kaya ngayong nagkahiwalay na sila ay marami ang nanghinayang. Marami ang nagpahayag ng kalungkutan.
Isang malaking hamon ngayon para kay Daniel ang malungkot na kaganapan. Hiwalay na sila ni Kathryn, at malinaw ang ipinapakita ng sitwasyon na marami ang nagtatampo sa kanya, habang mas lamang ang simpatiya na nakuha ni Kathryn sa masa.
Si Daniel ang itinuturong dahilan ng hiwalayan. Siya ang itinuturong napaugnay sa iba’t-iba diumanong babae bukod pa kay Andrea Brillantes.
Box-office loveteam ang Kathniel. Kung hindi na pumayag si Kathryn na makipagtambal kay Daniel sa anumang proyekto ay may panganib ito para sa career ng mahusay at guwapong aktor. Dahil ang susunod na mangyayari ay iaangat na niya ang kanyang pagiging artista nang walang kaparehang Kathryn.
May mga magkakasunod na pelikulang ginagawa at gagawin pa si Daniel. Nariyan ang “Nang Mapagod Si Kamatayan,” “The Guest,” “After Forever” “2gether Un4ever” at “Praybeyt Benjamin 3” kaya inaabangan sa showbiz kung mapapatunayan ba ni Daniel na kung walang Kathryn ay kung kaya na ba niyang magsolo bilang artista?
–o(O)o–
JESSY MENDIOLA, INAASAM MAKASAMA SA PROJECT ANG BIYENANG SI VILMA SANTOS
PANSAMANTALA, pikit-matang ayaw munang lumabas ni Jessy Mendiola sa teleserye man o sa pelikula dahil mas tutok muna ngayon ang kanyang panahon sa pamilya nila ng husband na si Luis Manzano, kung saan nariyan na nga ang una nilang anak na si Baby Peanut.
Kahit nga ang kanyang biyenan at Star for all Seasons na si Vilma Santos ay saludo kay Jessy kung paano nito tinututukan ng panahon ang pag-aalaga at pagpapalaki kay Baby Peanut, katuwang si Luis na nagbibigay rin ng mahabang panahon para sa kanilang napaka-cute na anak.
May mga alok na kay Jessy noon pa man, na gumawa ng teleserye o pelikula. May career pa talaga siyang babalikan sana after maipanganak si Baby Peanut. Pero buo ang desisyon niya na huminto munang magtrabaho dahil ayaw niyang lumaki ang kanilang anak na wala siya lagi sa tabi nito, at Yaya ang makalakihan na nag-aalaga sa kanya.
Happy din si Jessy sa pagtutok na maalagaan ang anak nila ni Luis, dahil si Baby Peanut ay masayahing bata.
Tisay si Jessy at maalaga sa hitsura. Kahit iniintriga na siyang laging sobrang magpaganda, ay ipinagkikibit-balikat niya lang iyon. Para sa kanya ay hindi dahilan na porke’t mommy ka na ay pababayaan mong malosyang ang sarili mo.
Madisiplina si Jessy sa pag-aayos ng hitsura. Dinaanan din niya noon ang matagal na intriga at mga panlalait, na malusog siya at malalaki ang pata.
Ngayon ay hiyang talaga si Jessy sa buhay may asawa. Napakabait din kasing husband ni Luis, at nakikita ang saya sa hitsura ni Jessy.
Sa muling pagbabalik ni Jessy sa pag-arte, ay nagwi-wish siyang magkasama rin sila ni Vilma sa isang project.