LOVI POE, GUMAWA NG SARILING PANGALAN SA SHOWBIZ

MARAMING humanga sa naging pagpasok ni Lovi Poe sa showbiz. Una sa lahat, siya nga ang isa sa mga halimbawa ng mga artistang hindi tunay na anak sa legal na pamilya. Nag-artista siya, pero alam na noon sa showbiz kung sino ang kanyang daddy.

Tahimik lang si Lovi habang unti-unti siyang nakikilala noon sa showbiz. Talented naman siya. Sinubukang kumanta, pero napansing puwede siya sa mga teleserye at pelikula.

Marunong si Lovi makiramdam noon sa kapaligiran ng showbiz. Hindi siya eksenadora para sa mga interbyu ay magdayalog siya ng: “I am my father’s daughter!”

Aware siyempre si Lovi kung sa mga pagtitipon sa showbiz ay mayroong mga kaibigan doon ang pamilya ng daddy niya. Kaya ang pananahimik niya noon ay paraan din niya ng pagkilatis kung paano siya itatrato sa showbiz.

Simpleng Lovi lang ang una niyang ginamit na screen name. Idinugtong na lang ang apelyidong Poe nu’ng sumisikat na siya at wala namang kumokontra.

Napatunayan ni Lovi ang kanyang sarili sa showbiz. Bukod sa kaseksihan at maganda niyang mukha ay magaling siyang umarte. Kaya naman narating niya sa career ang magbida sa marami niyang pelikula at teleserye.

Pagkatapos ni Lovi magpakasal sa totoong buhay, ay binalikan niya ang teleseryeng “Batang Quiapo” dahil malapit sa kanyang puso ang aksiyon serye, dahil hango ito sa lumang pelikula na pinagbodahan ng yumao niyang daddy FPJ.

–o(O)o–

BEAUTY GONZALES, PATULOY ANG KASIKATAN

BILANG artista ay may mga limitasyon na si Beauty Gonzales, dahil mayroon na siyang asawa’t anak. Hindi rin naman niya kailangang makipagkumpitensiya sa ibang artista para siya ay mas lalo pang sumikat.

Ipinagpapasalamat na lang ni Beauty, na kahit hindi na siya single ay napansin pa rin siya sa showbiz. Busy rin siya sa paglabas sa pelikula, pero mas patok siya sa paglabas sa mga teleserye.

Napansin si Beauty sa magagandang teleserye na ginawa niya sa ABS-CBN. Pero nang lumipat siya sa GMA-7 ay nagpatuloy na maging busy siya sa paggawa ng mga teleserye. Huli siyang lumabas sa “Walang Matigas Na Pulis Sa Matinik Na Misis” kapareha si Senator Ramon “Bong” Revill, Jr.

Magaling si Beauty sa time management, dahil hindi niya napapabayaan ang kanyang pamilya kahit sobrang busy na siya sa kanyang showbiz career.

Very supportive din sa career ni Beauty ang kanyang husband, kaya walang nagiging aberya sa kanyang pagiging artista.

Si Beauty ang leading lady ni Derek Ramsay sa pelikulang “Kampon” na suwerteng isa sa mga nakapasok na pelikula para sa idaraos na Metro Manila Film Festival sa December.

Hindi lang ‘yan. Si Beauty rin ay muling magiging isa sa mga bida ng teleseryeng “Stolen Life” ng Kapuso Network, kung saan kasama niya sina Gabby Concepcion at Carla Abellana.

Kahit may asawa’t anak na ay napapangalagaan ni Beauty ang kanyang hitsura. Mukha pa rin siyang dalaga. Para sa kanya ay importanteng mapangalagaan ng mga artista ang kanilang hitsura dahil ito ang laging pinagmamasdan ng mga taong kanilang nakakaharap sa loob at labas ng showbiz.

–o(O)o–

ALFRED VARGAS, SALUDO KAY NORA AUNOR

ANG pelikulang “Pieta” ay handog at pagsaludo ni dating Congressman Alfred Vargas sa natatanging talento ng Superstar na si Nora Aunor. Bilang public servant at ngayon ay movie producer na rin Alternative Vision Cinema ay layunin niya na maigawa ng magandang pelikula ang premyadong aktres na ginawaran ng mataas na parangal bilang National Artist For Film And Broadcast Arts.

Ngayon pa lang ay masasabi nang tagumpay si Alfred bilang movie producer ng movie ni Nora. Pinupuri na ang magandang kabuoan ng nasabing pelikula na tinatampukan din nina Gina Alajar, Jaclyn Jose at Bembol Roco. Mula sa direksiyon ni Adolfo Borinaga Alix, Jr.

Sa simula pa lang ng mga plano ay una na roon ang makagawa ng isang natatanging pelikula. Natapos ang shooting nito, at napanindigan ang isang obra na kahit ang Superstar ay sobrang natuwa at humanga sa kinalabasan ng project na ito.

Sa itinagal ni Alfred bilang artista, ay kasama na roon ang pangarap niya na balang araw ay makasama sa isang project ang Superstar. Kaya para sa kanya ay isang malaking katuparan ang pagsasama nila sa kontrobersiyal na pelikula ngayon ni Guy.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

%d bloggers like this:
Verified by MonsterInsights