DOLE: Proteksyon sa karapatan, kapakanan ng mga kasambahay prayoridad ng pamahalaan

Tiniyak ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga kasambahay ang pangako ng pamahalaan na patuloy nitong poprotektahan ang kanilang mga karapatan at kapakanan sa pagdiriwang ng bansa ng 2024 Araw ng mga Kasambahay nitong ika-18 ng Enero.

Sa kanyang pambungad na pananalita sa pagdiriwang na ginanap sa Occupational Safety and Health Center (OSHC) sa Quezon City, sinabi ni DOLE Workers’ Welfare and Protection Cluster Undersecretary Benjo Santos M. Benavidez na ang selebrasyon ngayong taon ay nakasentro sa paglalapit ng mga serbisyo ng pamahalaan sa mga kasambahay.

“Lahat po ng serbisyo ng pamahalaan, lahat po ng taong gobyerno ay nakatutok na pangalagaan o proteksiyunan ang karapatan ng mga manggagawa, katulad po ng mga kasambahay,” wika niya.

“Handa po ang pamahalaan na ibigay nang buong-buo ang serbisyo para po sa lahat ng mamamayang Pilipino, lalong-lalo na sa sektor na gaya po ng ating mga kasambahay,” dagdag niya.

Base sa 2019 survey, ibinahagi ni Undersecretary Benavidez na halos isang milyon sa 1.4 milyong kasambahay ang “walang kasunduan”, 3 porsiyento hanggang 4 na porsiyento lamang ang may nakasulat na kontrata, at humigit-kumulang 60 porsiyento ang nakakaalam ng “Batas Kasambahay”.

Nilagdaan noong ika-18 ng Enero 2013, ang Republic Act No. 10361, o ang “Batas Kasambahay”, bilang bahagi ng karagdagang pangako ng pamahalaan upang maprotektahan ang mga kasambahay sa pamamagitan ng pagtiyak sa ligtas at maayos na kondisyon sa pagtatrabaho.

“Malayong-malayo na po ang ating narating from 2013, pero malayo pa po ang kailangan nating marating… That is the very purpose why, for the celebration of the Araw ng Kasambahay this year, we mobilized lahat ng serbisyo ng pamahalaan,” aniya.

Binanggit din ng opisyal ng kagawaran ang pangangailangan na palawakin ang nasasakop ng mga benepisyong panlipunan, gayundin ang pagrerehistro ng kasambahay sa kanilang barangay ayon sa iniaatas ng batas para sa higit nilang proteksiyon.

“Sa ilalim po ng liderato ng ating Pangulong Bongbong Marcos, sa ilalim po ng Bagong Pilipinas, dapat walang maiiwan, lalong-lalo na ang ating mga kasambahay kasi tayong lahat ay bahagi po ng iisang lipunan,” pahayag ni Undersecretary Benavidez.

‘Para Kay K’

Bilang prayoridad na sektor ng batas, hindi bababa sa 45 kasambahay ang lumahok sa pagdiriwang ng DOLE kung saan tumanggap sila ng libreng hands-on skills training session at mga serbisyong panlipunan mula sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan.

Nagsagawa din ng face-to-face training sessions para sa haircutting at massage #ParaSaFutureNiK, sa pakikipagtulungan sa Technical Education and Skills Development Authority. Binigyan din ng oryentasyon ang mga panauhing kasambahay sa mga pangunahing programa ng Kagawaran ng Paggawa, partikular ang DOLE Integrated Livelihood Program.

Sa bahagi ng programang #SerbisyoParaKayK, na-rehistro at nabigyan ng mga impormasyon ang mga bisitang kasambahay ukol sa mga serbisyong maaari nilang matanggap mula sa PhilHealth, Social Security System, Pag-IBIG Fund, Philippine National Police, National Bureau of Investigation, at ang Department of Social Welfare and Development.

Nagbigay din ng serbisyong-legal ang National Conciliation and Mediation Board habang ang Bureau of Working Conditions at OSHC ay nagbigay ng mga serbisyong medikal sa mga kalahok na kasambahay. Namahagi din ng mga pamphlets kung saan nakasaad ang mga pangunahing impormasyon sa “Batas Kasambahay” at ang mga karapatan ng mga kasambahay.

Tumanggap din ang mga anak ng mga kasambahay ng mga donasyong gamit pang-eskwela mula sa Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce & Industry, Inc. Nakapanuod din sila ng mga pelikulang pambata sa tulong ng National Council for Children’s Television at nakilahok sa puppet show na inihanda ng Philippine Information Agency.

Pinangasiwaan ng Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC) ang paggunita sa Araw ng Kasambahay kasabay ng ika-11 taong anibersaryo ng paglagda sa nasabing batas. Magsasagawa din ng serbisyo caravan sa iba pang regional offices ng DOLE sa buong bansa.

Pinasalamatan ni Assistant Secretary Dominique Rubia-Tutay ang Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa, United Domestic Workers of the Philippines, at iba pang stakeholder na nakibahagi sa pagdiriwang.

“Mas marami pa [sana] tayong mahikayat na mga kasama para maging mas malakas ang boses natin, lalong-lalo na kung ang pag-uusapan natin ay polisiya para sa ating mga karapatan, para sa ating kaunlaran,” aniya. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

%d bloggers like this:
Verified by MonsterInsights