RET. MARINE COL. ARIEL QUERUBIN NAGHAIN NG KANYANG COC PARA SA 2025 MIDTERM ELECTIONS

Ang sundalo n’yo sa Senado…”

ITO ang masayang kataga ng dating marine officer dahil tiyak na ang pagtakbo niya sa Senado sa susunod na halalan.

Naghain ng kanyang certificate of candidacy (COC) sa pagka-senador sa 2025 midterm elections si Retired Marine Col. Ariel Querubin, sa ikapitong araw ng filing nitong Lunes, Oktubre 7, 2024.

Kasama niyang nagtungo sa Manila Hotel Tent City ang kanyang pamilya, mga tagasuporta mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG) gayundin ang ilang PNP generals at officers.

Sa pakikipanayam kay Querubin, sinabi niya ang dahilan ng kanyang pagtakbo sa susunod na halalan.

“Gusto kong tuparin ang pangarap ko na mapalaya ang lahat sa gutom at mabigyan ng kaledad na edukasyon ang ating mga kabataan, lalo na ang mga panganay na madalas nagsasakripisyo upang umalalay sa pangangailangan ng kanilang pamilya,” pahayag ng dating marine officer.

Sakaling manalo at maluklok sa Senado una niya umanong tututukan ang inflation sa bansa.

“Well, kung ang problema pa rin natin ngayon gaya ng inflation, lahat ng batas na ipapanukala natin ay tungkol dito. Maraming nakatiwangwang na military reservation na pwedeng gamitin ngayon na taniman. Kulang tayo sa supply kaya nagmamahalan lahat ito. 80% sa pinoprocess na delata na yan galling sa abroad.

Ibinahagi din niya ang kanyang saloobin ukol sa mga isyu sa West Philippine Sea.

“Bilang retiradong marines, hindi ko kayang maupo at manood na lamang habang patuloy tayong inaapi sa West Philippine Sea. Lalaban tayo para sa ating karapatan. Para sa ating seguridad. Para sa ating kinabukasan,” aniya.

Ang problema umano sa WPS ay dahil sa napabayaan ng mga nagdaang administrasyon at hindi overnight lang nangyari, kaya naniniwala siya na tama ang isinusulong na SRDP program ng gobyerno.

“Tama lang na isulong nila yung SRDP na yan.. yung self reliant defense posture program kung saan makikita natin ngayon kung saan tayo dapat na mag modernize. Dapat pagtuunan natin ng pansin yung mga defense security forces na nangangalaga at po-protect ng ating West Philippine Sea,” paliwanag pa ni Querubin.

Si Querubin ay tatakbo sa ilalim ng Nacionalista Party pero hindi umano sasali  sa kahit kaninong political slates.

“My loyalty is to the people, not to any political slates. Joining a slate would mean choosing sides, and that is not what I stand for,” pahayag ni Querubin.

Gayunpaman, binigyang-diin ng dating opisyal na bukas siya na makipagtulungan sa alinmang kowalisyon at sa panawagan  ng Pangulong Bongbong Marcos Jr. na pagkakaisa.

 “Bukas ako na umanib sa isang coalition of independents na uunahin ang bansa, uunahin ang mahihirap, bibigyang dangal ang sakripisyo ng ating mga bayani, at bibigyang halaga ang mabuting pamamahala. This is unity beyond politics,” saad ni Querubin.

Samantala, nagbigay ng mensahe si Querubin para sa mga botante.

“Sana naman ang taong-bayan at mga botante natin ay mamili tayo ng mga kandidato na talagang kaya nilang ipaglaban tayo. Kasi kung bukas aatake ang China, maaasahan mo ba itong mga politico na’to na magpapakamatay sa inyo? So dun tayo sa subok na at kayang mamatay para sa pagmamahal sa bayan,” ani Querubin.

Maging sa mga kapwa kandidato na tunay aniyang nagmamahal sa bansa, ay may  panawagan ang dating opisyal.

“Magsama-sama tayo. Handa tayong sumali sa kahit sinong grupo ng independent na inuuna yung bayan, inuuna yung mga mahihirap, at binibigyan ng dangal ang mga sakripisyo ng ating mga bayani. Napakahalaga na itong mga kandidato na ito ay binibigyan ng halaga ang mabuting pamamahala,” aniya.

Si Ret. Marine Col. Ariel Querubin ay tubong Pangasinan. Siya ang sundalo na nagtamo ng pinakamaraming medalya sa kasaysayan ng Pilipinas at isa ring Medal of Valor recipient. (LB)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

%d bloggers like this:
Verified by MonsterInsights