Cayetano, gustong magkaroon ng maayos na alert system bilang paghahanda sa kalamidad

BINIGYANG-DIIN  ni Senador Alan Peter Cayetano nitong Lunes ang kahalagahan ng pagkakaroon ng maayos na sistema sa pagbibigay ng impormasyon bilang bahagi ng paghahanda sa mga kalamidad.

Sinabi ito ni Cayetano, chairperson ng Senate Committee on Science and Technology, sa pagdinig ng panukalang modernisasyon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) at Earthquake Monitoring and Early Warning System Act.

“God forbid that the ‘Big One’ hits Metro Manila, and it can also hit Mindanao, Metro Cebu, or Baguio City. Not only should we consider the preparedness, but the cascading of information kasi as presented earlier, pwedeng down ang lahat ng [communication] lines,” wika ng senador sa pagdinig nitong February 12, 2024.

Aniya, malaking problema ito dahil noong tumama ang super typhoon Yolanda noong 2013, napag-alaman na mayroon lamang 30 satellite phones ang buong network ng gobyerno na hawak ng militar noong panahon na iyon.

Ito ang dahilan aniya kung bakit walang balita ang mga tao sa nangyayari sa ibang lugar sa Leyte at Samar noong unang araw ng pananalanta ng bagyo.

“In the future we’d like to ask the Metro Manila Development Authority (MMDA) and local government units (LGUs), if something does happen, are we dependent on cell phones? Kapag nawalan ng signal, do we have an alternative? Nagkaroon din ng problema ang satellite phones noon (during Yolanda) sa charging,” sabi ng senador.

Binanggit din ni Cayetano ang kahalagahan ng pagmamapa ng mga pampublikong imprastruktura na nasa ibabaw ng fault line, pati na ang pagsusuri ng kanilang linya ng komunikasyon.

“I don’t know if any of our train systems, skyways are built on top of a fault line. Assuming meron na ngang tremor, is there any direct information about the LRT, MRT, Skyway, or is it through media na nagmomotor din sila?” tanong ni Cayetano.

Sinabi ni Phivolcs Director Teresito Bacolcol na ang kanilang ahensya ay kadalasang nagbibigay ng impormasyon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at Office of Civil Defense (OCD), na silang nagbibigay ng impormasyon.

Sinabi ni Bacolcol na nagpo-post din ang Phivolcs ng real-time na impormasyon sa pamamagitan ng mga social media account nito. (NINO ACLAN)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

%d bloggers like this:
Verified by MonsterInsights