NAGING maingay ang resulta ng pagdaraos ng kasalukuyang Metro Manila Film Festival. May mga mumunting kontrobersiya man, ay nakakaaliw lang na pagkatapos ng ilang taon na matamlay ang pagtanggap ng mga tao sa pestibal na nasundan pa ng pandemya, ay masasabing muli na ngang nararamdaman ang suporta ng mga tao sa MMFF.
Yong sampung pelikula na napiling maipalabas simula nu’ng December 25, kaugnay ng pagdaraos ng pestibal ay positibo ang dating sa mga manonood. Walang itulak-kabigin dahil puro magaganda at walang matatawag na basurang pelikula. Kaya humangos talaga ang mga tao sa mga sinehan.
Si Vilma Santos ang ginawaran ng parangal bilang Best Actress mula sa epektibo niyang pagganap sa pelikulang “When I Met You In Tokyo”.
Sa tagal na ni Vilma sa movie industry ay tanggap na niya na kung suwerteng tumatanggap siya ng award bilang Best Actress ay hindi mawawala ang mga kokontra mula sa kampo at tagahanga ng kapwa niya mga artistang nominado rin dahil sa mahuhusay nilang pagganap sa mga pinagbidahan nilang pelikula.
Subok na raw ang galing ng Star for All Seasons. Napakarami na niyang natanggap na pagkilala bilang Best Actress. Wala na daw dapat pang patunayan si Vi. Dapat daw ipinalamang na lamang ang karangalan sa mga baguhan at mas batang mahuhusay ding artista.
Hindi naman hiningi ni Vilma ang award. Para sa kanya iyon. Ang award ay hindi parang candy na basta mo ibibigay sa bata.
Good karma talaga si Vilma sa kanyang pagbabalik-showbiz. Happy siya ngayon sa tagumpay ng MMFF 2023. Hindi siya makasarili, dahil sa bawat pagharap niya sa publiko sa kasagsagan ng promo nila para sa pelikulang “When I Met You…” ay lagi niyang sinasabi at ipinapakiusap na suportahan lahat ng mga manonood ang sampung pelikulang kasali sa pestibal.
Dahil bilang tinagurian ding Movie Queen ay hangad ni Vilma ang patuloy pang pagbangon muli ng movie industry.
–o(O)o–
BEA ALONZO, HINDI NABABAKANTE SA GMA-7
UNTI-UNTING nakakawala si Bea Alonzo sa mapanuring mga mata at pagpuna ng mga intrigero’t intrigera sa showbiz, na noo’y nagsasabing hindi na siya sisikat, bagkus ay malalaos lang sa bakuran ng GMA-7.
Sunud-sunod na ang nga proyektong ipinagkakatiwala ng Kapuso Network kay Bea. Heto’t habang papasok ang bagong taon, ang 2024 ay isang bagong teleserye ang kasado nang mapapanood ng kanyang mga tagahanga.
Bida si Bea sa teleseryeng “Widow’s War” kasama rin niyang magbibida sa Carla Abellana na mapapanood sa GMA Telebabad.
Naghihinay-hinay din naman si Bea sa mga ginagawa niyang proyekto sa ngayon. Ang isa kasi sa gusto niyang maisakatuparan na ay ang pagpapakasal nila ni Dominic Roque.
Happy si Bea dahil alam niyang mahal na mahal din ng kanyang nga fans si Dominic. Hindi nagseselos ang kanyang mga tagahanga, bagkus ay excited na rin sila sa pagpapakasal ng magkarelasyon.