Karapat-dapat nga bang manalo ng 2023 MMFF Best Actress si Vilma Santos?

Hanggang ngayon ay usap-usapan pa rin ang resulta ng Gabi ng Parangal ng ika-49 Metro Manila Film Festival na ginanap sa New Frontier Theater sa Cubao.

Mula sa mga sumusunod na nagwagi—Best Picture, “Firely,”; 2nd Best Picture, “GomBurZa”; 3rd Best Picture, “Mallari”; 4th Best Picture, “When I Met You in Tokyo”; Best Director, Pepe Diokno (“GomBurZa”); Best Actress, Vilma Santos (“When I Met You in Tokyo”), Best Actor, Paul Cedrick Juan (“GomBurZa”); Best Supporting Actress, Miles Ocampo (“Family of Two”); Best Supporting Actor, JC Santos (“Mallari”); Best Screenplay, Angeli Atienza (“Firefly”); Best Editing, Benjie Tolentino (“Mallari”); Best Sound, Melvin Rivera and Louie Bauzon —marami ang kumikuwest’yon sa pagwawagi ni Vilma.

Na kesyo hindi karapat-dapat si Santos sa kanyang parangal.

Na kesyo dapat ay isa na lang kina Eugene Domingo at Pokwang ang iprinoklamang best actress imbes na si Vi.

Na kesyo pabortio lang ng mga hurado ang Star for All Seasons.

Na kesyo hindi naman talaga maganda ang pinagbidahang proyekto ng aktres.

Hindi pa namin napapanood ang pag-arte ni Ate sa idinirek na obra maestra nina Conrado Peru at Rommel Penesa pero ang hatol ng inampalan ay pinal.

Walang magagawa ang mga kiyaw-kiyaw ng mga reklamador.

Dahil ganyan talaga ang labanan.

May natatalo at may nananalo pero kailangan lang na masinsin at obhektibo ang pananaw ng mga kumikilatis sa mga naglalaban.

Ang isang nakakaintriga namang kaganapan ay ang pagkakaroon ng 4th Best Picture, isang kategorya na ngayon lamang idinagdag ng Metro Manila Development Authority o MMDA  ang ahensiya na namamahala sa taunang pista ng pelikulang Pilipino.

At ang MMDA ay may mga dibisyon o komite para sa MMFF.

Ang isa rito ay ang Selection Committee ng pestibal na siyang kumukuha at pumipili ng mga mga kalahok sa pamamagitan ng pagtatalaga sa mga uupo sa pagpili.

Ngayong taong ito ay si Jesse Ejercito ang pangulo ng pagpili.

At ang mga hurado naman ay kinabilangan nina Chito S. Rono, Lorna Tolentino at iba pa at kabilang dito ang peryodistang pampelikula si Jerry Olea.

Bakit nga ba idinagdag ang 4th Best Picture samantalang wala naman ito sapul pa nang likhain ang pestibal na ito?

Pampalubag-loob lang nga ba ito para makasama ang isa pang pelikula na pararangalan nito.

Gayunman, asiwa ito at lisya sa lohika dahil sa pangkaraniwang pagkakasunud-sunod ng mga premyo, apat na panalo lamang ang ipinupuwesto sa posisyon.

Kahit naman sa beauty contest o sa honor roll, walang fourth honorable mention.

Kasobrahan na ito.

Kung gayon ay isama na ring lahat sa panalo ang anim pang pelikula sa Fifth, Sixth, Seventh, Eighth, Ninth at Tenth Best Picture.

Nakakatawa, di ba?

***

Samantala, nakakatuwa na ang “Firefly” ang pinakamahusay na pelikula.

Kauna-unahan itong pelikula ni Zig Dulay na malaki ang budget dahil karamihan sa kanyang trabaho ay mga hanggang 5 o anim na milyong piso lang ang puhunan.

Pero sa “Firefly,” mas malaki.

Kaya naman tuwang-tuwa si Zig sa pagkakataong ito.

Si Dulay ay matiyagang direktor ng mga obra maestrang may kalidad tulad ng “Bagahe,” “Black Mountain,” “Bambanti” at iba pa.

Siya rin ang may likha ng “Si Ibarra at si Maria Clara” ng ABS-CBN.

Maligayang Bati, Zig!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

%d bloggers like this:
Verified by MonsterInsights