RICHARD GUTIERREZ, MAMA’S BOY NGA BA?

NAGMANA si Richard Gutierrez ng pagiging laging kalmado sa kanyang daddy at beteranong aktor na si Eddie Gutierrez. Kaya ang nagsimulang problema sa relasyon nila ng kanyang wife na si Sarah Lahbati ay ang mommy niyang si Annabelle Rama ang naunang nagbigay ng mga pahapyaw na salita tungkol sa isyu.

Sanay na ang mga tao sa showbiz sa pagiging prangka ni Annabelle. Kapag mayroong problema na damay ang miyembro ng kanyang pamilya ay walang puwedeng makapigil, basta’t magsasalita siya.

Kung si Annabelle ang magdedesisyon, ay wala siyang hangarin na tuluyang mauwi sina Richard at Sarah sa hiwalayan. Iniisip niya ang kapakanan ng dalawa niyang apo na anak nina Chard at Sarah.

Pinagbintangan agad at iniintrigang Mama’s Boy daw Richard, dahil ang kanyang mommy Annabelle talaga ang nakapronta na bumubuwelta sa mga intriga tungkol kay Chard.

Sumikat nang todo si Richard, pero wala sa sistema ng kanyang pag-aartista ang sumagot at pumatol sa mga intrigang-showbiz, noon hanggang ngayon. Puro talaga siya pagsisipag sa trabaho bilang aktor. Tahimik at masaya lang siyang nagte-taping o shooting.

Mahalaga kay Richard ang katahimikan. Pagod siya sa trabaho, at kapag gano’n ay ayaw niya ng mga intriga. Ayaw niyang nagagalit sa mga sitwasyon. Ayaw niyang pinagpipiyestahan ng ibang tao ang personal niyang problema.

Ang kay Annabelle lang, habang may problema pa sina Richard at Sarah ay ayaw niyang maguluhan ang guwapong aktor at maapektuhan ang mga trabaho nito. Lalo na ngayon, sa socmed ay may naglalabasang fake news para lalong lumala ang kontrobersiyal nilang problema.

–o(O)o–

LIZA SOBERANO, HINDI SUMUSUKO PARA MAGING MAAYOS ANG MOVIE CAREER

MEDYO sumablay lang ang direksiyon ng movie career ni Liza Soberano dito sa Pilipinas nang maghiwalay ang landas nila ng ABS-CBN. Pero konting-konti na lang sana at susunod na siya sa pagiging Reyna ni Kathryn Bernardo sa Kapamilya Network.

Huwag na nating baliin at kontrahin ang mga katuwiran ni Liza sa pagtahak niya ngayon ng bagong direksiyon sa kanyang movie career.

Hindi naman din kasi humihinto si Liza para mapatunayan ang kanyang sarili. Gusto niyang subukan na makilala sa Hollywood. Sige lang.

Kung ganda ng mukha ang pag-uusapan, pupuwede naman. Dahil napakaganda ni Liza.

Pero dito man sa Pilipinas maging sa paghahanap ng pagkakataon sa Hollywood, ang pagsikat ng mga artista ay may kakambal din dapat na suwerte.

Sana, matsambahan ni Liza ang suwerteng iyon. Kasi’y para ulit siyang nagsisimula sa bagong kabanata ng kanyang pag-aartista. Hindi na siya bumabata. Sana may panahon pa talaga.

Napag-iwanan na kasi siya ng milya-milya ng kasikatan ni Kathryn.

Sayang naman ang nasimulang panahon ng kasikatan na rin ni Liza dito sa Pilipinas. Patok na rin ang loveteam nila ni Enrique Gil noon, at kumikita sa takilya ang mga pelikula nila.

Ang malungkot, hiwalay na rin sila ni Enrique noon pang October 2022. Hindi ito masyadong napag-usapan, dahil mas naging isyu noon ang pag-alis ni Liza sa ABS-CBN at pag-alis na rin niya sa pagma-manage ni Ogie Diaz sa kanyang showbiz career.

Kung naghahanap si Liza ng bagong suwerte sa carer niya, marami pa rin naman ang mga tagahanga niya ang nag-aabang kung maaabot ba ng magandang aktres ang bagong kasikayan na kanyang pinapangarap.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

%d bloggers like this:
Verified by MonsterInsights