Kung tutuusin, bale ikalawang pagkakataon nang isasapuso, isasaisip at isasabuhay ni Armie Zuniga ang katauhan ni Didith Reyes.
Hindi lang ngayon na naiisip at pinaplano ni Roeder Camanag na ipaganap sa kanya ang persona ni Didith.
Noon pang 2014 ay inilundad na namin si Armie bilang Didith sa konsiyertong “Remembering Didith Reyes” sa Mowelfund Plaza sa Quezon City.
Tunay na hinangaan si Armie bilang Didith Reyes noon at kahit ang namayapa nang musical director na si Pablo Vergara–ang kompositor ni Didith at siyang nasa likod ng ipinanalo ng singer sa 1977 Tokyo Music Festival kung saan nagwagi siya ng Gold Prize–ay bilib na bilib sa kanya.
Marunong ani Pablo sa timing si Zuniga at hindi na kailangang sanayin pa.
Pero naniniwala kaming kailangan pang mahasa nang mahasa si Armie hanggang maging perpekto.
Pati ang beteranong mang-aawit na si Anthony Castelo ay nagulat sa galing ng pag-awit ng babaing taga-Calauag, Quezon.
Ayon kay Anthony, kailangang dalhin na kay Vic del Rosario ng Viva Records ang mang-aawit na ito.
Kaya lang, nang humihingi na kami ng meeting kay Boss Vic ay hindi kami nagbigyan ng pagkakataon.
Marahil ay naghihitay ng tamang tsansa ang talento ni Armie na matagal ding kumanta kay Nonoy Lopez, ang maestro ng Nonoy Lopez and His Orchestra.
Marahil ay sa mga susunod na araw na lang masisilayan, maririnig at bibigyan ng kontrata ni Vic si Armie.
Nakakapanghinayang na hindi nalinang ang talento ni Zuniga habang siya ay namamayagpag sa pagkanta da iba’t ibang establisimiyento sa bansa.
Pero hindi pa nga huli ang lahat.
Pati ang kaklase ni Armie sa UST Conservatory of Music na si Erick Valena na taga-Lopez, Quezon naman ay tunay ring bilib sa kanyang kaklase na bukod sa maganda na ang hitsura ay maganda rin nga ang tinig.
Kaya nga kinilabutan si Roeder nang marinig niyang humagod ng kanta ang talentong ito.
Walang itatapon, ‘ika nga.
Maraming balak si Camanag sa karera sa musika ni Zuniga.
Kaya abangan natin ang susunod na kabanata.
Kung may oras kayo ay pakinggan ninyo si Armie sa kanyang pagkanta sa Villasanta Get-Together sa December 30, 2023 sa Lopez, Quezon Credit Cooperative (LACC) sa General Vicente Yngente Avenue (dating Calle Anda) sa Lopez, Quezon.
Tiyak na sulit ang pakikipagniig ng mga Villasanta sa kanilang bawat kaanak.
Inaanyayahan dun ang lahat kahit hindi miyembro ng pamilya Villasanta na pakinggan si Armie Zuniga sa Araw ng Kamatayan ni Dr. Jose Rizal dahil bubuhayin niya ang inyong mga dugo at puso.
Kaya andam na, mga may dugo at apelyidong Villasanta.
*************
Ang makakasama ni Armie sa pag-awit sa mga Villasanta ay ang Hipakyu Band na pawang mga bagets ang mga miyembro.
Ano kaya, sa pagdagundong ng Hipakyu Band sa LQCC, magapi kaya nila ang mga atensyon at paghanga ng mga tao sa kanila.
Dapat lang dahil kailangan nilang umariba at marating kundi man pantayan o higitan pa ang mga nagawa sa musika ng mga Parokya ni Edgar, Cushe, Hale, Orange and Lemons, True Faith at marami pang iba.
Kaya kaya ng Hipakyu Band ang mga pagsubok na ito?
Kunsabagay, sumasali naman sa kanila si Vincent Villasanta na ka-get together din ng mga Villasanta.
Alam ba ninyong nagtrabaho si Vincent sa Eraserheads noon bilang tagatimpla ng audio ng grupo.
Tapos, nakaka-jamming din siya s E-Heads, alam n’yo ba ‘yon?
At alam din ba ninyo na isang beses, wala pa sa Sunday show ng ABS-CBN si Ely Buendia, ang bokalista ng Eraserheads, si Vincent ang humalili sa kanya?
Panoorin n’yo ang “Sanlinggo nAPO Sila” sa YouTube at makikita ninyo si Vincent na nag-pinch hit kay Ely sa intro ni Martin Nievera.
At alam din ba ninyong si Vincent mismo ang tinatawag na Enteng ng Eraserheads sa kantang “Spolarium”?
Hindi ‘yon patungkol kay Vic Sotto o kay Joey de Leon.
Para kay Vincent Villasanta ‘yon, kilala ring Enteng.