ANDREA BRILLANTES, LAGING KONTROBERSIYAL

SOBRANG kontrobersiyal si Andrea Brillantes dahil ito talaga ang panahon ng kanyang kasikatan. Star na star siya, dahil ang bawat ganap sa buhay niya ngayon ay pinapansin at pinag-uusapan.

Taglay ni Andrea ang mga katangian ng isang artista na dapat talagang hangaan. Una sa lahat, napakaganda ng kanyang mukha, at magaling siyang aktres. Pangalawa, napakarami niyang fans na sumusuporta at nagtatanggol sa kanya.

Bata pa lang ay nahasa na si Andrea sa pag-arte, kaya nalulungkot siya sa mga nag-aakusa na puro tungkol sa pakikipagligawan at pakikipagrelasyon ang iniikutan ng kanyang mundo ngayon.

Bilang dipensa ni Andrea, siya ay maagap na naging bread winner ng kanilang pamilya, dahil mula sa kanyang pagiging child star ay hindi siya himinto sa paglabas sa mga teleserye at pelikula. Nang magdalaga ay nagsimula na rin siyang mag-business.

Masipag si Andrea sa buhay. Bukod sa kanyang business, kasama siya ngayon sa teleseryeng “Senior High” ng Kapamilya Network.

Sobrang damay lagi ang pangalan ngayon ni Andrea sa maraming isyu. Kahit hiwalay na sila ng sikat na basketball player na si Ricci Rivero, ay patuloy pa ring nababanggit ang magandang young actress kapag pinag-usapan ang kontrobersiyal ding manlalaro.

Si Andrea din ang itinuturong dahilan sa umano’y pinagtatakpan na pagkakalabuan ng relasyon nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla. Ito ay dahil sa kumalat na intrigang may lihim na ugnayan sina Daniel at Andrea, na sa totoo lang naman ay dati na talagang magkakilala.

–o(O)o–

JOSHUA GARCIA, HINDI NAG-ARTISTA PARA MAKIPAGLIGAWAN

DATI nang mahusay na aktor si Joshua Garcia. Kaya maling sabihin na ginagaya niya ang galing sa pag-arte ni John Lloyd Cruz. Hindi rin dapat sabihing humuhugot siya ng lalim sa akting mula sa naranasang lungkot noon sa hiwalayan nila ni Julia Barretto.

Mataas ang respeto ni Joshua sa pagiging aktor ni John Lloyd, dahil pareho silang pinasikat ng Network, kung saan doon ay kinikilala ang naging kasikatan ng dating ka-loveteam ni Bea Alonzo.

Pero pagdating sa kahusayan sa akting ay gusto ni Joshua na magmarka siya sa sarili niyang istilo bilang kanyang tatak na matatandaan ng mga manonood.

Nakukuha naman ni Joshua ang paghanga at respeto ng mga manonood.   Dahil sa hanay ng mga kabataang aktor ngayon ay isa siya sa itinuturing na may kakaibang lalim sa pagganap.

Pagdating sa lovelife, pagkatapos ng hiwalayan nila ni Julia noon ay matagal na nanahimik si Joshua. Sobra niyang minahal noon ang magandang aktres, at kung gaano ang sakit sa damdamin na kanyang naramdaman ay ipinaramdam niya iyon sa sobrang pananahimik.

Siyempre, ang masakit na nakaraan ay mapaghuhugutan ng mga artista ng lalim sa pag-arte. Kaya hindi na ipinagtataka kung bakit si Joshua ay patuloy pang humuhusay bilang aktor, katulad ng pinatunayan niya sa teleseryeng “Unbreak My Heart” nila ni Jodi Santamaria sa GMA-7.

May pagka-conservative din ang personality ni Joshua. Pagkatapos ng hiwalayan nila noon ni Julia ay hindi siya agad nanligaw ng kung sino-sinong babae sa loob at labas ng showbiz.

Ngayon na lang may panahon si Joshua para magkaroon ulit ng lovelife. Mas gusto na rin niya na ang susunod niyang pakikipagrelasyon ay hindi masyadong showbiz na laging napag-uusapan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

%d bloggers like this:
Verified by MonsterInsights