Sumakabilang-buhay kamakailan si Ethel Ramos, Ethelwolda Ramos sa tunay na buhay, isang alamat sa panulatang panlibangan sa bansa.
Si Ethel, kilala rin sa tawag na Manay Ethel mula sa mapagmahal na tawag na Manay–isang rehiyunal na kataga o ekspresyon mula sa Kabikulan na ang ibig sabihin ay nakatatandang kapatid na babae o mas may edad na babae, kaanak, kadugo man o hindi–ay kinilala bilang Dean of Philippine Entertainment Journalism.
Namatay si Manay Ethel sa kanyang pagkakahimbing.
Kapapagdiwang lang niya ng kanyang ika-87 taong kaarawan noong August 1, 2023.
Ibinurol siya sa Funeraria Naciomal sa Araneta Avenue mula noong ika-11 hangganv ika-13 ng Setyembre.
Noong ika-14 ng September ay kreni-mate si Manay Ethel.
Dumagsa ang mga nakipaglamay kay Manay tanda ng kanyang mabuting pakikisama at pakikipagkaibigan sa loob at labas ng showbiz.
Mula sa mga movie reporter tulad ni Linda Cabuhayan hanggang kay Anthony Solis ay nagpakita sila ng pagmamahal sa aming ina-inahan na peryodistang pampelikula.
Nandoon ang iba’t ibang klase ng mga manunulat na itinuturing siyang Dekana ng Peryodismong Pampelikula sa bansa.
Nandoon sina–ayon sa nakita namin sa Facebook at sa personal nang magtipon kami ng kapwa mamamahayag na si Art Tapalla noong ika-13 ng Setyembre–Salve A. Asis, Ian Farinas, Gie Trillana, Danny T. Vibas, Rommel Placente, Mildred Bacud, Melba Llabera, Lito Manago, Ed de Leon, Alice Vergara, Glen Regondola, Wendell Alvarez, Julie Bonifacio, France Simeon, Aster Amoyo, Nitz Miralles at marami pang iba.
Lahat sila ay may pabaong panalangin sa namayapang kapatid sa hanapbuhay.
Lahat sila’y nagluluksa kahit na nakangiti sa harap ng kamera dahil alangan namang tumatangis pa rin nang walang humpay habang nakikipagburol.
Siyempre’y hindi nawala ang pakikiramay ng mga Revilla sa mga Ramos.
Kahit noong buhay pa si Manay Ethel ay ang mga Revilla na ang nag-aasikaso sa kanyang mga gamot, hospitalisasyon, pagkain at iba pang pangangailangan.
Nanguna si Ramon “Bong” Revilla, Jr. sa lahat ng mga bituin na nagluksa sa kamatayan ni Ramos.
Mawawala ba naman si Lani Mercado na asawa ni Bong?
Halos gabi-gabi nga’y nakikipaglamay sina Bong at Lani na nagtuturing nang ikalawang nanay nila si Manay.
Ang mga anak nina Lani at Bong na sina Jolo at Brian Revilla ay may kanya-kanya ring ipinadalang korona ng patay.
Hindi rin nawala ang mag-asawang Aga Muhlach at Charlene Gonzales kasama ang kanilang kambal na anak.
Si Manay Ethel ang tumayong manager ni Aga sa mahabang panahon.
Si Robin Padilla ay hindi nagpahuli sa pag-uukol ng kanyang huling sulyap kay Manay.
Pati na rin si Rey Bustria Martin David na isang masahista sa showbiz.
Si Ice Seguerra ang pambungad na umawit sa necro service kay Ethel. Kasama siyempre ni Ice ang kanyang asawang si Liza Dino-Seguerra na tunay na nagmamahal sa transman na mang-aawit.
Nandoon din sina Anabelle Rama at Eddie Gutierrez kasama ang anak nilang si Ruffa Gutierrez.
Hindi nagpahuli si Azenith Briones kasama si Willie Chu dahil talent din ni Manay Ethel si Azenith noong kapapanalo pa lang nito ng Miss Photogenic sa1975 Mutya ng Pllipinas kung saan siya nadiskubre ni Dolphy para gawing leading lady sa “Omeng Satanasia,.”
Kasabay halos ni Azenith sa kuwadra ni Manay si Elizabeth Oropesa kaya nga ang upisina ni Ramos sa Escolta ay pinangalanang El Oro mula sa dinaglat na tawag sa kabuuang pangalsn ni Elizabeth.
Tunay na nagluluksa pa rin ang showbiz sa pagpanaw ni Manay Ethel. (IMAGES by Boy Villasanta)