Pinagmumulan ng korapsyon sa Unprogrammed Funds inalis na sa panukalang 2026 budget

Binigyang-diin ng isang solon na inalis na sa panukalang 2026 national budget ang pinagmumulan ng korapsyon sa ilalim ng Unprogrammed Appropriations (UA), na inaprubahan na rin ng Bicameral Conference Committee.

Ayon kay Senador Win Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Finance, ang tinukoy na pinanggagalingan ng mga iregularidad ay ang Strengthening Assistance for Government Infrastructure and Social Programs (SAGIP), isang bahagi ng Unprogrammed Appropriations na dati umanong pinaglalagyan ng mga lump-sum na pondo para sa mga infrastructure project at social services ng pamahalaan.

“Marami kasing bahagi ang Unprogrammed Appropriations, at isa na rito ang SAGIP. Dito nilalagay noon ang mga lump-sum na pondo, gaya ng para sa flood control projects, na naging ugat ng mga imbestigasyon sa korapsyon. Ito ang sinabi natin noon na tatanggalin natin, at tinanggal na nga natin sa 2026 budget,” pahayag ni Gatchalian.

“Kaya sa bagong anyo ng Unprogrammed Appropriations, wala nang panggagalingan pa ng korapsyon,” dagdag niya, kasabay ng paglilinaw na hindi ilegal ang Unprogrammed Appropriations sa loob ng pambansang badyet.

Pinondohan ang SAGIP ng mahigit ₱50 bilyon noong 2023, ₱225 bilyon noong 2024, at ₱160 bilyon ngayong taon. Noong 2024, may inilaan ding ₱86.93 bilyon para sa mga flood control project sa ilalim ng SAGIP.

Bukod sa SAGIP, kabilang din sa iba pang bahagi ng Unprogrammed Appropriations ang mga foreign-assisted project na nangangailangan ng counterpart funding mula sa Government of the Philippines (GOP). 

“Sa Unprogrammed Appropriations talaga nakalagay ito dahil meron pa ‘yung mga proyekto na ongoing pa ang negosasyon at ‘yung iba naman ay wala pang kontratang napipirmahan,” paliwanag ni Gatchalian. (LB)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Verified by MonsterInsights