Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) – Port of Clark sa ilalim ng pamumuno ni District Collector Jairus Reyes ang 1.48 gramo ng Mataas na Uri ng “Kush” Marijuana na nakatago sa apat (4) na piraso ng damit na may halagang PhP1.572 milyon.
Isinagawa ang inspeksyon sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police – Aviation Security Group (PNP-AVSEG), National Bureau of Investigation (NBI) Pampanga District Office, Department of Justice (DOJ), at mga Opisyal ng Barangay ng Dau.
Ang kargamento ay idineklarang “Men’s Track Suit, Polyester Men’s Cotton Shorts” at namarkahan para sa pagsusuri ng X-ray Inspection Project (XIP) ng BOC matapos makitaan ng kakaibang imahe.
Ang K-9 sniff test ay nagpakita rin na positibo ang presensya ng mga ilegal na sangkap.
Sa pisikal na pagsusuri, nadiskubre ng mga awtoridad ang apat na vacuum-sealed na pouch na naglalaman ng mataas na uri ng marijuana o “Kush.”
Binalot ang kargamento sa mga damit upang maiwasan ang pagkakatuklas sa pisikal na inspeksyon.
Samantala agad namang kumuha ng mga sample at ipinasa sa PDEA para sa pagsusuri sa chemical laboratory, kung saan kinumpirma na ang mga sangkap ay marijuana, na itinuturing na mapanganib na droga sa ilalim ng R.A. No. 9165.
Agad namang nag-isyu ng Warrant of Seizure and Detention si Collector Reyes para sa kargamento dahil sa paglabag sa Seksyon 118(g), 119(d), at 1113, mga talata (f), (i), at (l) (3 at 4) ng R.A. No. 10863, kilala rin bilang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), kaugnay ng R.A. No. 9165.
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., nananatiling matatag ang BOC, sa pamumuno ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio, sa kanilang kampanya laban sa pagpupuslit ng mga ilegal na droga. Binigyang-diin ni Commissioner Rubio, “Nangangako ang BOC na pigilan ang pagpupuslit at protektahan ang mga hangganan ng bansa at ang kaligtasan ng ating mga mamamayan mula sa panganib ng mga ilegal na sangkap na sumusubok makapasok sa ating mga komunidad.” (DEXTER GATOC)