NANANAWAGAN si dating Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Chairman Greco Belgica para sa isang “Constitutional-Convention Forum” sa gitna ng talamak na katiwalian at “unbridled and unlimited” government power sa bansa.
Ayon sa dating PACC chairman, nabigyan ng “overreaching powers” ang pambansang pamahalaan sa pamamagitan ng Saligang Batas ng 1987, na patuloy na nagdudulot ng kahirapan at kawalan ng oportunidad sa bansa.
Sinabi ni Belgica na mag-iimbita sila ng mga representante at kinatawan mula sa bawat lalawigan sa bansa para makilahok sa forum upang matiyak na ang bagong Konstitusyon na bubuuin ay makakatugon sa kasalukuyang pangangailangan ng tao.
“Nananawagan kami ngayon sa mga pangunahing intelektwal at kinatawan mula sa bawat lalawigan na balangkas ng bagong konstitusyon na tunay na sinasalamin sa mga prinsipyo ng kalayaan, limitadong pamamahala, pederalismo, popular na soberanya, demokrasya, at republikanismo—mga mithiin na ipinaglaban ng mga batang bayani,” aniya sa isang pahayag.
“Ang bagong Konstitusyon na ito ay dapat mas tahasang paghigpitan ang mga kapangyarihan ibibigay sa pamahalaan, para matiyak na ang mga pagkakatiwalaan ng kapangyarihan ay nakatali sa mga limitasyong ito,” dagdag nito.
“Kailangan nating sumulat ng Konstitusyon na tunay na naghahayag ng damdamin ng pinamamahalaan, ang mga prinsipyo ng demokrasya, indibidwal na karapatan sa buhay, kalayaan, at ari-arian, malayang kalakalan, pederalismo, limitadong kapangyarihan, checks and balances, pagbubuwis nang walang representasyon, at alisin ang labis na regulasyon sa ekonomiya na nagpapahirap sa kalakalan at komersyo na nagdudulot ng kahirapan at kawalan sa bansa,” ani Belgica.
Ang panawagang ito ay dumating matapos ang pagpasa ng Resolution of Both Houses (RBH) No. 7, isang Resolusyon na magpapahintulot sa Kongreso at Senado na gumawa ng mga amyenda sa ilang probisyong pang-ekonomiya ng Konstitusyon na hiwalay nilang pagboto.
Gayunpaman, sa kabila ng pagkilala sa pangangailangang amyendahan ang Konstitusyon, sinabi ni Belgica na ang paraan ng RBH No. 7 ay hindi nakasaad sa Konstitusyon at “tiyak na haharap sa mga pagkwestyon sa Korte Suprema.”
Sinabi ng dating PACC chairman na siya, kasama ang iba pang mga grupo, ay nanawagan kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa nakalipas na ilang buwan na pamunuan ang pagpapatawag ng Con-Con at pag-isahin ang parehong Kapulungan. Ngunit hindi pa sumasagot ang Pangulo. Sinabi ni Belgica na inuulit nila ang panawagang ito.
Kamakailan, naghain si Senador Robinhood Padilla ng Resolusyon sa Senado na nananawagan para sa Con-Con, na may kasamang mga pagbabago, hindi lamang sa mga probisyong pang-ekonomiya ng Konstitusyon, kundi maging sa estrukturang politikal ng gobyerno.
Sinabi ni Belgica na ang bagong Konstitusyon na bubuuin sa forum ay ipepresenta sa Kapulungan ng mga Kinatawan, Senado, at Tanggapan ng Pangulo. (BONG SON)