Nakahanda na sa 1,000 bodega sa buong bansa ang 5.2 milyong family food packs para ipamamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga lugar na sinalanta ng bagyo at Habagat.
Sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na ang pamamahagi, na itinuturing na pinakamalaking relief assistance na isinagawa ng administrasyon para sa mga biktima ng kalamidad, ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
“I wanna report na bago tumama ang bagyo, ang ating national stockpile stood at 5.2 million family food packs na nakakalat sa isang libo na warehouse nationwide,” ayon kay Gatchalian sa kasagsagan ng panayam sa kanya ng media sa evacuation center sa Las Piñas.
“‘Yan ang pinakamalaki natin na stockpile at nangyari lang ‘yan sa administrasyon ng ating Pangulo. So, ready tayo rumesponde at huwag naman sana, kung mayroon pang darating, reding-ready pa rin,” ayon pa sa DSWD Secretary.
Una nang ininspeksyon ni Pangulong Marcos ang Verdant Covered Court Evacuation Center na nasa Caimito Street, Barangay Pamplona Tres kung saan nagtayo ng mga tent na pinagkakanlungan ng mga pamilyang sinalanta ng bagyo na pawang naayudahan na ng mga pagkain at mga tubig.
Sinabi naman ni Gatchalian na sa kanyang obserbasyon, humuhupa na ang baha.Pero sa Kawit, Cavite,anya gumamit pa ang local government unit (LGU) ng bangka para ipamahagi ang mga relief goods sa bawat bahay.
“But I think the weather is improving. So, kaya nasabi ko na bumibilis na kasi ‘yung withdrawal ng mga requests for food packs sa warehouse sa mga LGUs. Bumibilis na rin ‘yung pag-pick up nila. Ibig sabihin, nadi-distribute na nila,” ani Gatchalian.
Sa harap nito, inihayag naman ng kalihim na pinabibigyan rin ni Pangulong Marcos ng burial assistance ang walong nasawi sa landslide sa Baguio City at tulong medical naman para sa mga survivor.
“Tinutulungan na ‘yung walo na sa kasamaang-palad ay nasawi. Burial assistance pero meron rin tayong medical assistance at i-assess natin,” ani Gatchalian.
Bukod dito, tiniyak ng DSWD na tutulong din sila sa relokasyon ng mga pamilyang nawalan ng bahay sa lungsod.
“We’ll have to work with the local government unit kasi obviously wala na ‘yung mga bahay doon, ‘yung tatlong bahay. Hindi na rin sila malamang… malamang papabalikin doon. So we have to assess saan na sila titira and what can we do to help,” dagdag pa ni Gatchalian.
“I think the local government unit hasn’t stopped, and we’re going to go there para personally makita ko rin and ma-assess ko ano ba talaga nangyayari,” ayon pa sa DSWD Secretary.
Samantala, nilinaw ni Gatchalian na hindi pare-pareho ang mga relief packs at inakma nila ang tulong depende sa pangangailangan ng bawat pamilya o grupo ng mga pamilya
“So, sa madaling salita, we’re trying to specialize our kits para masigurado natin na ‘yung mga vulnerable na komunidad, mayroon silang espesyal na pangangailangan. ‘Yung espesyal nilang pangangailangan, natutugunan ng mga specialized kits na ‘to,” ani Gatchalian.
Maging ang cash assistance na ibibigay, anya, ay nakadepende rin sa sitwasyon ng mga nasalanta.
“Ngayon, PhP10K because that’s the assessment of our social workers. Lagi kaming alalay at makikinig sa rekomendasyon ng ating mga social worker,” ayon kay Gatchalian kaugnay sa halaga ng tulong pinansyal na ibibigay ng gobyerno sa bawat pamilya.
Ang DSWD Mobile Kitchen ang ipinadala sa Las Pinas para mainit pa ang mga pagkaing ipamamahagi sa mga evacuee o bakwit. | *PND*
