PBBM: Tapusin ang Las Piñas spillway, tuluy-tuloy ang dredging kontra-baha

Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapatuloy ng dredging at muling pagsusuri sa plano para sa Las Piñas spillway upang makatulong na mabawasan ang pagbaha sa Metro Manila.

Sa inspeksyon sa Alido Bridge sa Barangay Zapote nitong Agosto 11, sinabi ni Marcos na nakatulong ang patuloy na dredging na isinagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pagpapababa ng lebel ng baha sa lugar kasunod ng malalakas na pag-ulan nitong mga nakaraang araw.

Ayon sa Pangulo, dati ay umaabot hanggang dibdib ang baha sa lugar, ngunit ngayon ay hindi na ito lalampas sa tuhod.

“Effective naman ang ating ginagawa ngunit alam naman natin kulang pa rin ‘yan. Marami pa rin tayong kailangan gawin,” ani Marcos.

Binigyang-diin niya ang pangangailangang ipagpatuloy ang dredging dahil 12 taon aniyang natigil ang naturang gawain dahil sa moratorium, dahilan upang unti-unting mababaw ang mga ilog at spillway.

Inatasan din ng Pangulo si Public Works Secretary Vince Dizon na balikan at suriin ang mga dating plano para sa Las Piñas spillway, na matagal nang nakabinbin.

“Kung anong kailangan gawin, kailangan tapusin na natin. Ilagay na natin ‘yung spillway. Malaking, malaking bagay ‘yan para sa pagbabaha ng NCR,” pahayag ni Marcos.

Samantala, binigyang-pansin din ng Pangulo ang problema sa basura na inanod sa mga kanal sa Parañaque City matapos ang malakas na ulan at high tide.

Sinabi niyang ang ilang basurang bumara sa mga kanal ay nagmula sa ibang lugar at inanod nang mabuksan ang mga daluyan ng tubig.

Nanawagan si Marcos sa mga local government unit at publiko na maging responsable sa pagtatapon ng basura upang maiwasan ang pagbabara ng mga kanal at paglala ng pagbaha.

Kasabay nito, sinabi niyang itutuloy ng pamahalaan ang waste-to-energy program kung saan ipoproseso ang basura upang gawing kuryente.

Binigyang-diin din ng Pangulo na magpapatuloy ang mga flood-control project at dredging kasama ang mga LGU.

“Hindi natin titigilan hanggang matapos ‘yan. Ang dredging talagang walang tigil ‘yan, tuluy-tuloy ‘yan,” ani Marcos.

Sinabi ng Pangulo na ang pangmatagalang layunin ng pamahalaan ay makahanap ng paraan upang maipon o mapigilan ang tubig bago ito bumaba sa mga mabababang lugar, bilang bahagi ng patuloy na pagpaplano para sa flood control. / (LB)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Verified by MonsterInsights