PBBM, Pinakikilos ang Gabinete Kontra El Niño; 2 Milyong Pinoy Natulungan ng UPLIFT Program

Pinulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang Gabinete upang plantsahin ang mga hakbang ng pamahalaan laban sa inaasahang matinding epekto ng El Niño sa bansa.

Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, pinag-aaralan na ng administrasyon ang mga agarang tugon upang mabawasan ang posibleng pinsala ng matinding tagtuyot sa mamamayan at ekonomiya.

“Nagkaroon kami ng pagpupulong, ang Pangulo… Pinag-aaralan na rin natin ‘yung response ng ating pamahalaan pagdating sa El Niño. Dahil, we might have a severe El Niño,” pahayag ni Recto.

Sinabi ng kalihim na sinusuri ngayon ng gobyerno ang mga naging hakbang noong mga nakaraang panahon ng El Niño upang matukoy kung alin sa mga ito ang naging epektibo at maaaring muling ipatupad.

“So we looked at the past, what did government do, what worked. And nagpaplano na tayo diyan para maibsan ‘yung epekto ng El Niño sa ating lahat,” dagdag niya.

Nauna nang inanunsyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na may 79 porsyentong posibilidad na maranasan ng bansa ang El Niño mula Hunyo hanggang Agosto ngayong taon at maaaring tumagal hanggang unang bahagi ng 2027.

Dahil dito, hinimok din ng PAGASA ang publiko at mga local government unit na paigtingin ang pagtitipid sa tubig bilang paghahanda sa posibleng matinding tagtuyot.

Samantala, ibinida rin ni Recto ang naging agarang pagtugon ng pamahalaan sa krisis sa Middle East sa ilalim ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport o UPLIFT Program.

Ayon sa kalihim, nasa mahigit dalawang milyong Pilipino na ang natulungan ng iba’t ibang ayuda at support programs ng gobyerno upang maibsan ang epekto ng krisis.

“Mahigit kumulang, dalawang milyon ang natulungan ng ating pamahalaan, maibsan ‘yung krisis. At mayroon ako nakitang survey na 75 percent approval ang taumbayan sa UPLIFT program na ginagawa ng ating pamahalaan,” ani Recto.

Tiniyak naman ng administrasyon na patuloy nitong palalakasin ang mga hakbang upang maprotektahan ang kabuhayan at kapakanan ng mga Pilipino sa gitna ng mga hamong dulot ng climate conditions at pandaigdigang krisis. (LB)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Verified by MonsterInsights