PPA, PINATUNAYAN ANG MATATAG NA PAMAMAHALA SA PAGPASOK SA TOP GOCCs

Ilang araw bago ipagdiwang ang ika-52 anibersaryo nito, muling kinilala ang Philippine Ports Authority (PPA) bilang isa sa mga nangungunang government-owned and controlled corporations (GOCCs) matapos itong pumuwesto sa ikaanim na pinakamalaking nag-remit ng dibidendo sa pambansang pamahalaan para sa Fiscal Year 2025.

Tinanggap ni PPA General Manager Jay Santiago ang pagkilala sa ginanap na 2026 GOCC Day Recognition Ceremony sa Malacañang nitong Miyerkules, Hulyo 8, 2026, bilang pagkilala sa mahigit limang dekadang paglilingkod ng PPA, mahusay na pamamahala sa pananalapi, at patuloy na ambag nito sa pambansang kaunlaran.

Sa ilalim ng Republic Act No. 7656 o Dividends Law, inaatasan ang mga GOCC na mag-remit ng hindi bababa sa 50 porsiyento ng kanilang taunang netong kita sa National Government. Mula 1986 hanggang sa kasalukuyan, umabot na sa ₱62.33 bilyon ang kabuuang dibidendong naipadala ng PPA sa pamahalaan.

Mahigit two-third o ₱41.5 bilyon ng kabuuang halagang ito ang naipadala mula 2016 hanggang 2025 sa ilalim ng pamumuno ni Santiago, na sumasalamin sa tuloy-tuloy na paglago ng kita at matatag na pananalapi ng ahensya.

Naitala rin ng PPA ang pinakamalaking dividend remittance sa kasaysayan nito matapos magdeklara ng ₱5.33 bilyong dibidendo para sa Fiscal Year 2025—ang pinakamataas mula nang maitatag ang ahensya noong 1974.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bagama’t mahalaga ang kakayahang kumita ng mga GOCC, dapat pa ring manaig ang kanilang mandato sa paglilingkod sa publiko.

“Your foremost mandate is that of public service. Profit is never the end in itself. It is just a means to better serve our people,” ani Pangulong Marcos Jr.

Ayon sa Pangulo, umabot na sa humigit-kumulang ₱139.8 bilyon ang dividend remittances ng 50 GOCCs ngayong taon, na mas mataas kaysa nakaraang taon. Dagdag niya, malaking tulong ang mga pondong ito upang mapondohan ang mga serbisyo ng pamahalaan nang hindi na kinakailangang magpataw ng karagdagang buwis sa mamamayan.

Kabilang sa anim na GOCC na may pinakamalalaking dividend remittances ngayong taon ang Bangko Sentral ng Pilipinas, Land Bank of the Philippines, Philippine Deposit Insurance Corporation, Manila International Airport Authority, Philippine Amusement and Gaming Corporation, at ang PPA.

Bukod sa malaking ambag nito sa National Government, nagtala rin ang PPA ng pinakamataas nitong taunang kita noong Fiscal Year 2025 na umabot sa ₱30.09 bilyon, bunga ng pagtaas ng vessel traffic, cargo throughput, regulatory income, storage revenues, at pagpapatupad ng iba’t ibang revenue optimization initiatives.

Ayon kay Santiago, ang pagkilalang natanggap ng PPA ay tagumpay hindi lamang ng ahensya kundi ng bawat Pilipinong nakikinabang sa modernisasyon at patuloy na pagpapabuti ng mga pantalan sa bansa.

“As we mark 52 years of serving the Filipino people, this recognition reminds us that every achievement of the PPA belongs to the nation. Every peso we remit reflects our responsible stewardship of public resources, while every investment we make in modernizing our ports helps strengthen trade, tourism, and connectivity for future generations,” pahayag ni Santiago.

Dagdag pa niya, mananatiling nakatuon ang PPA sa pagpapanatili ng mahusay na performance sa pananalapi kasabay ng pagpapaigting ng port modernization, digital transformation, at mga estratehikong imprastraktura upang higit pang mapalakas ang kalakalan, turismo, at pambansang konektibidad sa ilalim ng programang Bagong Pilipinas. (LB)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Verified by MonsterInsights