PhilHealth, IBP Nagkasundo na Patatagin ang Proteksyon, Karapatan, at Legal na Suporta para sa mga Miyembro
Nilagdaan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang dalawang taong Memorandum of Agreement (MOA) na naglalayong patatagin ang proteksyon ng mga miyembro, isulong ang karapatan ng mga pasyente, at palawakin ang access sa legal na suporta para sa mga Pilipino sa ilalim ng programang Universal Health Care (UHC).
Pinangunahan nina PhilHealth President at Chief Executive Officer Dr. Edwin M. Mercado at IBP National President at Chairperson ng 27th Board of Governors Atty. Allan G. Panolong ang seremonya ng paglagda na ginanap sa IBP Building sa Lungsod ng Pasig.
Ilan sa mga napagkasunduan ay ang paglulunsad ng mga magkasanib na kampanya na mas mapalawak ang kaalaman ng mga mamamayan ukol sa kanilang mga benepisyo at karapatan sa ilalim ng UHC Act.
Magkakaloob din ng libreng legal na serbisyo para sa mga kwalipikadong miyembro, partikular na ang mga mahihirap at nasa marginalized na sektor, kaugnay ng kanilang mga benepisyo at claims sa kalusugan.
Isa pa sa mahalagang parte ng partnership ay ang pagsugpo sa pandaraya at pagpapalakas ng polisiya. Magtutulungan ang dalawang institusyon sa pagbuo ng mga patakaran sa kalusugan, pagsasanay para sa mga abogado ng PhilHealth, at mga hakbang laban sa fraud o pandaraya.
Ayon pa sa dalawang ahensya, pagbubutihin ang mga mekanismo sa pagresolba ng mga hidwaan o reklamo upang masigurong mabilis at patas na matutugunan ang mga hinaing ng mga miyembro.
