Nanawagan si Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Greco Belgica sa taumbayan na pumili ng tama at mahusay na kandidato na iluluklok sa pwesto sa darating na May 12, 2025 elections.
Sa ginanap na Balitaan sa Tinapayan, sinabi ni Belgica na huwag bumoto ng korap at kilalanin ang ating mga lider dahil lalo lamang aniya naghihirap ang mga tao sa mga ganitong klaseng mga pulitiko na may mga sariling mga interes.
Ang pahayag ni Belgica ay sa harap ng kanyang pagpuna sa isang mambabatas dahil sa pamamahagi nito ng pera mula sa pork barrel.
Paliwanag ni Belgica, tungkulin ng Department of Social Welfare ang Development (DSWD) ang pamamahagi ng anumang ayuda o tulong sa mga benipisyaryo o para sa mahihirap at hindi ng sinumang pulitiko o Kongresista lalo ngayong nagsimula na ang election period at lalo na ilang araw bago ang pagsisimula ng campaign period.
Ayon kay Belgica, hindi maaring pulitiko o kandidato ang magbibigay ng ayuda sa mga mahihirap dahil hindi aniya ito para sa kampanya.
Si Belgica ay nominado rin sa ilalim ng Bisaya Gyud Partylist at isa sa kanyang tututukan sa Kongreso ang paglaban sa korapsyon, krimen at red tape.
Aniya, sa 25 taong niyang nasa serbisyo sa gobyerno, lagi nalang aniya huli sa pagpaplano at progreso ang mga bisaya.
Unang-una, sinabi ni Belgica na umaasa ang mga bisaya sa lipunan dahil magkakaroon na ng representante sa Kongreso na kanilang malalapitan at mag-iintindi sa kanilang kapakanan. Pag-aaralan din ng Bisaya Gyud Partylist na maitaas ang antas ng trabaho hindi lamang sa Visaya kundi sa buong bansa.
Dagdag pa ni Belgica, maglalagay ito ng “bussiness global island” at “global island city” na maglilikha ng 7 milyong trabaho para sa mga Bisaya at sa buong bansa at maaaring magresulta sa pag-aangkat ng mga trabaho.
Paliwanag ni Belgica, ang bussiness global island at global island city ay walang red tape ,korapsyon kung saan magiging sentro ang Visayas ng negosyo hindi lamang para sa mga mamamayan kundi para sa komunidad. (MARISA SON)