“Mas magaan ang trabaho kung ini-enjoy natin” – Mayor Honey Lacuna

NANAWAGAN si Manila Mayor Honey Lacuna sa lahat ng  mga opisyal at kawani ng ibat-ibang departamento ng lungsod na  gawin ang tungkulin  nang  hindi tinitingnan bilang trabaho.

Ito ang paghihimok ng alkalde sa isinagawang regular flag raising ceremony nitong Lunes ng umaga.

“Mas magaan ang trabaho kung ini-enjoy,”  ayon kay Lacuna.

Pinangunahan ni City Engineer  head Engr. Moises Lacantara bilang host ang flag raising ceremony kung saan pinuri rin sya ni Lacuna dahil sa  pag-uulat nito ng ibat-ibang accomplishment na  nagagawa ng  mga kawani ng nasabing tanggapan.

“Isa ang Engineer’s office  sa may pinakamalaking departamento at sila rin ang may pinakamaraming report sa  kanilang nagagawa  at ginagawa sa araw-araw kaya maraming-maraming salamat,” pahayag ni Lacuna.

Idinagdag pa ng alkalde na  mapalad ang mga nagtatrabaho sa gobyerno dahil hindi lahat ay nabibigyan  ng pagkakataon na  maging tagapaglingkod ng bayan. 

Dahil na rin sa nalalapit  na ang pagdiriwang ng Araw ng mga Puso ngayong Biyernes, nakatanggap ng bouquet of flowers si Lacuna kay Alcantara  at nabigyan din ng rosas  ang lahat ng mga  kababaihan  na dumalo sa nasabing flag raising ceremony.

Bilang pagtatapos ng kaniyang maikling mensahe ay napatawa nito ang lahat ng dumalo sa nasabing aktibidad, dahil sa kaniyang binitiwang hugot line.

“Sa  mga malulungkot,  wala ka mang  ka-date sa Valentine’s day, ang mahalaga, sanay ka na,” pabirong sabi ni Mayor Honey. (MARISA SON)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

%d bloggers like this:
Verified by MonsterInsights