NAGBABALA ang isang solon sa desisyon ng Energy Regulatory Commission (ERC) na hindi na ituloy ang ikalimang regulatory reset ng distribution rate ng Meralco, na sumasaklaw ng taong 2022 hanggang 2026.
Ayon kay Senador Win Gatchalian, maaaring humantong ang hakbang sa mas mataas na singil sa kuryente ng mga konsyumer.
Nababahala ang solon na kung walang pag-reset ng rate, maaaring hindi tumugma ang singil ng Meralco sa kasalukuyang kalagayang pang-ekonomiya, na posibleng magresulta sa mas mataas na gastos sa kuryente para sa mga kabahayan at negosyo.
“Bilang mga mamimili, tutol kami sa desisyon ng ERC na hwag nang isagawa ang ikalimang regulatory reset ng distribution rate ng Meralco. Kailangang dumaan sa resetting process ang rate ng Meralco,” sabi ni Gatchalian sa mga opisyal ng ERC sa nakaraang pagdinig ng Senado sa panukalang 2025 budget ng Department of Energy at mga attached agencies nito, kasama na ang ERC.
Isang proseso ang rate reset na isinasagawa ng ERC upang suriin at i-adjust ang distribution rate na sinisingil ng mga utility companies tulad ng Meralco.
Tinitiyak nito na naaayon ang mga singil sa aktwal na gastos ng paghahatid ng kuryente, isinasaalang-alang ang inflation, mga gastos sa operasyon, at ang Weighted Average Cost of Capital (WACC). Ang kasalukuyang WACC ng Meralco ay 14.97%, at hindi na ito na-update mula pa noong 2015.
“Ginawa natin ito sa National Grid Corporation of the Philippines, at kailangan nating ipatupad din sa Meralco. Dahil sa tinatawag na market power nito at katayuan bilang natural na monopolyo sa NCR at mga kalapit na lugar, kailangang sumailalim din ang Meralco sa rate reset,” sabi ni Gatchalian.
“Hindi ito makatarungan sa mga konsyumer. Hindi pwedeng basta magpatuloy ang 14 porsyento na rate reset ng Meralco sa susunod na apat na taon kung hindi naman talaga ito ang aktwal na rate. Sa loob ng mahabang panahon, noong 2001 lang siguro on-time ang rate reset, pero noong mga sumunod na taon ay puro delay na,” pagdidiin niya.
Bilang vice-chair ng Senate Committee on Energy, hinimok ni Gatchalian ang ERC na gumawa ng isang pag-aaral na magbibigay-daan sa regulatory body na makahabol sa pagsusuri nito sa mga rate ng iba’t ibang stakeholder sa sektor ng kuryente.
“Bakit kailangan gawing requirement ang rate reset kung hindi naman ito ipinapatupad ng ERC? Kung ‘yung mismong regulator nga hindi makahabol,” sabi ni Gatchalian. Matatandaang naghain noon si Gatchalian ng panukalang batas na magtatatag sa charter ng ERC at magpapalakas sa awtoridad nito na i-regulate ang mga energy stakeholder. (LB)