SONA ni PBBM maganda, ngunit walang malinaw na plano para labanan ang katiwalian, itulak ang Constitutional Convention – Pilipino Tayo movement

“Maganda” ang katatapos lang na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ngunit walang nabanggit na malinaw na plano para labanan ang katiwalian sa gobyerno at itulak ang isang Constitutional Convention, ani Pilipino Tayo movement lead convenor at dating Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Chairman Greco Belgica.

Sinabi ni Belgica na mahalagang banggitin ang mga konkretong plano para matugunan ang katiwalian sa gobyerno dahil negatibo rin ang epekto ng korapsyon sa mga proyekto at tagumpay ng administrasyon.

“Maganda ang narinig natin nung SONA dahil narinig natin ang mga nagawa at plano ni Pangulong Bongbong Marcos sa bansa. Pero ang hindi nabanggit ay ‘yung mga problema at isyu ng korapsyon na bumabalot sa ilan sa mga programang ito,” aniya.

“Magaganda ang intensyon ng mga binanggit na proyekto, pero nagmistulang bandaid solutions ang mga ito sa problemang kinahaharap ng bansa,” dagdag niya. “Walang gagawin ang korapsyon kundi sirain ang lahat ng magagandang programa at intensyon ng gobyerno.”

Binanggit ng dating PACC chairman kung paano, sa kabila ng pagbanggit ng Pangulo ng 5,500 flood control projects sa kanyang SONA, ilang lugar sa Metro Manila ang binaha pa rin kinabukasan dahil sa super typhoon Carina.

“Ang 5,500 flood control projects ay hinahanap ng tao ngayon dahil sa bagyo. Dahil ang mga proyektong balot ng korapsyon ay laging sub-standard, mahina, o walang kwenta,” aniya.

Sinabi rin ni Belgica na magiging mas maganda sana ang SONA kung “patas at tumpak” na iprinisinta ni Pangulong Marcos ang mga nagawa ng kanyang administrasyon at ang mga proyektong kinuha nila sa nakaraang administrasyon, gayundin ang mga hamon na kanilang kinakaharap at ang kanilang mga mungkahing solusyon.

“Madaling maghanda ng presentasyon at talumpati at magpinta ng magandang larawan ng iyong sarili at ng iyong administrasyon. Ngunit ang hamon ay iharap ang katotohanan, mabuti at masama, mga konkretong solusyon, at ang pagpupursige na gawin ito,” aniya.

Sinabi rin ng lead convenor ng Pilipino Tayo movement na sana ay nanawagan ang Pangulo para sa isang Constitutional Convention sa kanyang SONA, na tutugunan sana ang “mga ugat” ng mga problema ng bansa.

“Bilang Presidente, maaari rin niyang talakayin ang tungkol sa mga mahalaga at lumalaking panawagan para sa mga sistematikong pagbabago upang matugunan ang mga ugat ng ating mga problema sa pambansa at pamahalaan,” aniya. 

“Ang isang simpleng pagbanggit ng pagtawag para sa isang Constitutional Convention ay sapat na upang simulan ang isang mas sistematikong diskarte sa pagtugon sa mga problema ng bansa.”

Inulit ni Belgica ang kanilang panawagan sa gobyerno na magsagawa ng Constitutional Convention, at nanawagan sa publiko na sumama sa kilusang Pilipino Tayo sa nalalapit nitong mga Constitutional Convention.

“Subalit hindi pa huli ang lahat. Tayong mga tao ay may magagawa pa. Magtipon-tipon tayo, magusap, at magsalita. Ipahayag natin ang ating damdamin at nasa isip,” sabi pa ni Belgica.

 “Makilahok tayo sa mga paguusap at paghimok sa ating mga lider na magpatawag ng isang Constitutional Convention para ating maisulat ang gusto natin para sa ating bayan na mamanahin ng ating mga anak.”

“At higit sa lahat, tayo ay dapat nang manumbalik sa Diyos, humingi ng tawad sa ating mga kasalanan, at mamuhay ng may pagsunod sa mga kautusan ng Diyos bilang bayan sa pangunguna ng ating Pangulo at mga lider,” dagdag niya.

Ang Pilipino Tayo movement ay nananawagan sa gobyerno na magpatawag ng Constitutional Convention at aktibong nakikipagpulong sa ilan sa mga pinakarespetadong pinuno, kinikilalang mga eksperto at intelektwal mula sa iba’t ibang industriya, at mga opisyal ng LGU para talakayin ang inisyatiba.

Plano rin ng grupo na magsagawa ng Constitutional Convention na lalahukan ng mga kinatawan mula sa lahat ng sektor at lalawigan sa bansa para bumalangkas ng panukalang Konstitusyon na mas makakatugon sa kasalukuyang pangangailangan ng bansa. Ang ginawang Konstitusyon ay dapat isumite sa mga awtoridad at iharap sa mga tao.

Nag-alok na si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na magdaos ng Constitutional Convention sa Cordillera Autonomous Region CAR bilang suporta sa grupo at sa panawagan nito.

Ang Pilipino Tayo ay isang grupo na pinatawag ni dating PACC Chairman Greco Belgica, MNSA, Gen. Carlos Quita (Ret.), Atty. Eduardo Bringas, dating Senador Gringo Honasan, Gen. Atty. Fortunato Guerero (Ret.), Bishop Grepor Belgica, Bishop Reuben Abante, Dr. Dennis Reyes, Prof. Froilan Calilung, at dating Congressman at Secretary Mike Defensor.

SONA hits, misses

Pinuri ni Belgica si Pangulong Marcos sa kanyang pahayag sa West Philippine Sea at sa kanyang pahayag na nagbabawal sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Gayunpaman, sinabi ni Belgica na dapat ay itinulak pa ito lalo ng Pangulo sa pamamagitan ng pag-abolish sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na “ang dahilan kung bakit lumalaganap ang pagsusugal.”

Pinuri rin ng lead convenor ng Pilipino Tayo movement si Pangulong Marcos sa paglagda sa Republic Act No. 12009 o ang New Government Procurement Act, na naglalayong tugunan ang mga butas sa sistema ng pagbili ng gobyerno at tiyakin ang mas mahusay at mas maayos na mga serbisyo sa pamamagitan ng pagsugpo sa mga ilegal na gawain at pag-aalis ng mga pagkakataon para sa katiwalian.

Maging pag pagtugon ng Pangulo sa mga isyu ng mga overseas Filipino workers, gayundin ang kanyang mga plano sa agrikultura, irigasyon, pampublikong gawain at imprastraktura, digital infrastructure, at mga proyekto sa enerhiya ay pinuri rin ni Belgica.

Gayunpaman, binanggit ni Belgica na tila may mga pagkakaiba sa mga ulat ng Pangulo sa kriminalidad at kahirapan mula sa karanasan ng mga tao sa lansangan.

Bagama’t sinabi ni Pangulong Marcos na matagumpay ang gobyerno sa paglulunsad ng isang “bloodless” drug war, sinabi ni Belgica na dumami ang mga ulat ng mga pagpatay, karumal-dumal na krimen, at paglaganap ng ilegal na droga.

Sinabi rin ni Pangulong Marcos na 420,000 na pamilya ang nagtapos sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng gobyerno, humigit-kumulang 2.5 milyong Pilipino ang naahon sa kahirapan, at may 1.7 milyong Pilipino ang nabawas sa mga nagsasabing wala silang sapat na pambili ng pagkain.

Ngunit binanggit ni Belgica ang survey ng Social Weather Stations na isinagawa ngayong taon, kung saan 46 porsiyento ng mga pamilyang Pilipino ang nagsabing sila ay mahirap, 33 porsiyento ang nagsabing sila ay malapit nang maging mahirap, at 23 porsiyento lamang ang nagsabing hindi sila mahirap. (BONG SON)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

%d bloggers like this:
Verified by MonsterInsights