KAPAG tuluyan ng lumusot sa Kamara De Representante ang panukalang batas ni Manila Congressman Benny Abante, Jr. (6th district), ‘di na kailangan ang senior citizens ay umabot pa ng 101 taon dahil sa edad na 70-anyos pa lamang ay tatanggap na sila ng cash reward mula sa gobyerno.
Sa kanyang pagdalo sa ‘Balitaan sa Harbor View’ ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) bilang solo guest, sinabi ni Abante na sa kanyang panukala ay ibinaba niya ang edad ng senior citizen na mapapabilang sa tatanggap ng cash reward at ito ay magsisimula sa edad na 70 – anyos.
Ang halaga ng tatanggaping cash reward ay depende kung ilang taon na ang senior citizen. Kapag ang senior ay umabot ng 70 – anyos siya ay tatanggap ng P70K, 80 – anyos P80K, 90 – anyos P90K at kapag 101-taon at tumataginting na P1M.
Matatandaan na sa kasalukuyan ay kailangan mo pang umabot ng 101-anyos bago ka tumanggap ng P100K sa gobyerno.
Sabi ni Abante, “Kasi ‘yung P100,000 parang ayaw pang ibigay eh. Ilan ba dito ang inaabot ng 101 years old?’
Dahil dito, sa ilalim ng panukalang batas, nais ni Abante na ang mga senior citizens ay magsimula ng tumanggap ng ‘cash rewards’ mula sa gobyerno sa edad na 70 pa lamang, kung saan mae-enjoy pa ng mga seniors ang kanilang insentibo.
“Pag umabot ng 70 years old, bigyan ng 70,000. Pag 80 years old, 80,000. Pag 90 years old, 90,000. I believe our senior citizens ought to be rewarded for what they did for the nation and their family in the past. This is not subsidy or ayuda kundi a reward for them,” saad pa ni Abante.
“Dapat ibigay na natin ‘yung regalo sa mga senior cidtizens at di na kailangan pang umabot sila sa 100 years old,” giit pa niya.
Para mapabilang sa qualified na seniors na tatanggap ng cash reward, sinabi ni Abante na kailangan lang ipakita ng senior citizen ang ID card na mula sa Office of Senior Citizens’ Affairs (OSCA), ang tanging tanggapan na sa ilalim ng batas ay awtorisadong mag-issue ng identification cards sa kanilang nasasakupan.
Bilang kanyang adbokasiya, sinabi ni Abante na ang pangunahin niyang tinataguyod ay ang kapakanan ng mga senior citizens at persons with disability.
Itinutulak din ni Abante ang pag-alis ng value added tax sa mga motoristang senior citizens kapag sila ay nagpapagasolina gayundin kung sila ay nagbabayad ng renta kung nangungupahan. (( BONG SON ))