Pagdami ng ‘4Ps students’ na nakikinabang sa TES ikinatuwa

PINURI ng isang solon ang pagdami ng mga benepisyaryo ng Tertiary Education Subsidy (TES) mula sa mga pamilyang kabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). 

Higit sa 159,000 na bagong estudyante mula sa mga pamilyang ito ang nakatatanggap na ngayon ng tulong pinansyal para sa mga gastusin sa edukasyon.

Batay kasi sa pagsusuri ng opisina ni senador Win Gatchalian mula sa datos ng Commission on Higher Education at Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST), 21% lamang ng mga benepisyaryo ng TES noong school year (SY) 2022-2023 ang nagmula sa mga pamilyang mababa ang kita, o ‘yung mga kabilang sa 4Ps at Listahanan, isang sistema ng pamamahala ng impormasyon na tumutukoy sa mga mahihirap sa bansa at sa kanilang mga lokasyon.

Mula sa mga lugar na walang state at local universities and colleges (SUCs at LUCs) ang 79% ng mga benepisyaryo ng TES sa parehong school year. 

Nang magsimula ang TES noong 2018, nagmula sa mga pamilyang mababa ang kita ang 71% ng mga benepisyaryo.

Binigyang-diin ni Gatchalian ang pagbaba ng bilang ng mga benepisyaryo ng TES mula sa mahihirap na pamilya noong nakaraang taong budget deliberations sa Senado, at sinabi na ang trend na ito ay hindi tugma sa layunin ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act (Republic Act No. 10931) na bigyang-prayoridad ang pinakamahirap na mga estudyante.

Upang baliktarin ang trend na ito, nagpasok si Gatchalian ng isang special provision sa pondo ng CHED noong 2024, na nag-aatas sa UniFAST na bigyang-prayoridad ang mga estudyante sa ilalim ng Listahan 2.0 at mula sa mga pamilyang mababa ang kita sa pagpili ng mga benepisyaryo ng TES. 

Naglaan ang espesyal na probisyon ni Gatchalian ng Php 3.1 bilyong TES grants para sa mga estudyante sa kolehiyo mula sa pinakamahihirap na pamilya sa bansa.

Ipinapakita ng datos mula sa CHED at UniFAST na mayroon nang 159,832 na bagong grantees mula sa mga pamilyang 4Ps. 

Patunay na ang porsyento ng mga benepisyaryo mula sa mga pamilyang 4Ps ay tumaas ng 27% noong SY 2023-2024 mula sa mas mababa sa 1% noong SY 2022-2023. 

Para sa SY 2023-2024, ang kabuuang bilang ng mga benepisyaryo ng TES mula sa 4Ps at Listahanan ay 210,202.

“Nais nating siguruhin na mapupunta sa mga pinakamahirap nating constituents ang subsidiya at sila muna ang mabibigyan ng prayoridad. Ito ay isang hakbang na isinakatuparan natin noong nakaraang talakayan sa pondo. Nagpapasalamat ako sa Komisyon at sa UniFAST board sa pagtugon sa ating kahilingan,” ani Gatchalian.

Kinumpirma ni CHED Chairperson Prospero De Vera III na binago ng UniFAST board ang patakaran sa pagpili ng mga benepisyaryo ng TES dahil sa interbensyon ng Kongreso. (LB)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

%d bloggers like this:
Verified by MonsterInsights