HINILING ng isang dating kongresista sa Korte Suprema na ipawalang-bisa ang kontratang nilagdaan sa pagitan ng Commission on Elections (Comelec) at Miru Systems na magsisilbing automated election provider sa nakatakdang 2025 Senatorial at Local Election.
Dahil dito naghain ng petition sa Kataas-taasang Hukuman si Dating Caloocan City Representative Edgar Erice na naglalayong pigilan ang implementation para sa ₱18-B contract ng Comelec sa naturang kumpanya mula sa Korea.
Sa kanyang petisyon, iginiit ni Erice na kailangang maglabas ng temporary restraining order o writ of preliminary injunction ang Supreme Court upang mapawalang-bisa ang naturang kontrata.
Ayon kay Erice, dating chairman ng Congressional Committee on Suffrage, nakagawa ng grave abuse of discretion ang Comelec nang agad ibigay sa Miru System ang kontrata, at wala rin aniyang Kongresista na inabisuhan ang Comelec upang sumaksi sa inspeksiyon ng mga pasilidad ng MIRU.
Naniniwala si Erice na ang pagpasok sa kasunduan ng Comelec sa MIRU ay maliwanag na isang paglabag sa ating automation law at sa procurement process.
Ipinagtataka ni Erice na paaanong matapos ang isang buwan na pagdedeklara ng Comelec na maari at maayos pang gamitin ang mga makina at may warranty pa ito sa ilalim ng Smartmatic ay bigla na lamang ideklara na diskwalipikado na ang Smartmatic.
Naniniwala pa amg dating mambabatas na gagawin lamang testingan sa machine na gagamitin ang ating eleksyon na itinuturing niyang isang robbery in progress.
Nanindigan si Erice na ang ginawa niyang paghahain ng petisyon ay personal niyang laban para sa kanyang kotribusyon sa bayan na bahagi ng kanyang passion.
Binigyang-linaw pa niya na wala ding kinalaman ang kanyang petisyon sa ipinalabas na desisyun ng Korte Suprema na pumapabor sa smartmatic laban sa Comelec na kung saan aniya maaring pumabor sa kanilang petisyon.
Nagbanta naman si Erice na pinag-aaralan na din niya ang pagsasampa ng impeachment complaint sa lahat ng opisyales ng Comelec sa pangunguna ni Chairman George Erwin Garcia at lahat nang lumagda sa kontratang ipinagkaloob sa MIRU systems subalit tatapusin muna niya ang isinampang petisyon sa Korte. (Nino Aclan)