Namahagi ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng kabuuang 1,416.35 ektarya ng lupang agrikultural sa 901 agrarian reform beneficiaries (ARBs) mula sa rehiyon ng Cagayan Valley noong Miyerkules, Abril 17.
Nagkaloob din ng pasilidad pang-imprastraktura na nagkakahalaga ng P263,800,000, at kabuuang P23,639,500 na makinarya at kagamitan na ginanap sa F.L. Dy Coliseum, San Fermin, Cauayan City, Isabela.
Pinangunahan nina Vice President Sara Z. Duterte-Carpio, Senator Imee R. Marcos, DAR Secretary Conrado M. Estrella III, kasama ang mga pangunahing opisyal mula sa DAR central at Cagayan Valley regional offices ang pamamahagi ng mga titulo ng lupa at iba’t ibang suportang pang-serbisyo sa mga ARB.
May kabuuang 1,117 certificate of landownership award/emancipation patent (CLOA/EP) ang ipinamahagi sa lalaiwgan ng Cagayan, Isabela Nueva Vizcaya at Quirino, kung saan 620 dito ay electronic titles na inisyu sa ilalim ng Support to Parcelization of Lands for Individual Titling Projects (SPLIT Project) at 497 CLOAs na inisyu sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).
Sa P230-M na pasilidad pang-imprastraktura, binubuo ang 17 na konstruksyon ng farm-to-market roads, P33.8-M na tulay na itinayo sa Isabela, at P15-M na road project sa Cagayan.
May kabuuang 80 farm machinery at equipment ang ibinigay sa 23 ARB organizations sa rehiyong ito para pakinabangan ng 3,105 magsasakang benepisyaryo.
Nauna rito, dalawang (2) Rain Collectors (Sinakan at Nakanmuan Rain Collectors) na may tinatayang halaga na P 7,000,000.00 ang inilipat ng DAR regional office, katuwang ang National Irrigation Administration, sa Municipal Government of Sabtang, Batanes .
Layon ng pagkakaloob ng mga suportang pang-serbisyo na mabigyan ang mga magsasaka ng mga imprastraktura upang matulungan silang maihatid ang kanilang mga produktong agrikultural sa iba’t ibang mga sentro ng kalakalan at mga pamilihan at tulungan silang madagdagan ang kanilang mga ani sa sakahan upang magkaroon ng mas malaking kita.
Kinilala rin sa nasabing aktibidad na may temang “Pavvurulun anna Pappabalo”, ang mga kontribusyon na ginawa ng mga regional director, pinuno ng iba’t ibang national government agencies (NGAs), attached agencies ng NGAs, Government and Controlled Corporations (GOCCs), at local government units (LGUs) dahil sa kanilang matagumpay na pagpapatupad ng CARP sa Rehiyon 2.