BILANG pagdiriwang ng Fire Prevention Month, dinaluhan ni Supremo Senador Lito Lapid ang urban fire olympics sa Calamba City, Laguna noong Martes ng umaga.
Inimbitahan si Lapid nina Laguna Cong. Cha Hernandez at Calamba City Mayor Ross Rizal sa nasabing event na nilahukan ng mga bumbero mula sa 39 Barangay at industrial establishments sa lungsod.
Sinabi ng solon na mahalaga ang kahandaan at pagsasanay ng mga bumbero sa paglaban sa sunog, na itinuturing din nating mga bayani.
“Kung may mga bayaning sundalo, army, air force at mga pulis, meron din mga bayaning bumbero. Alam nyo po, hindi makatulong ang ating mga kababayan kapag may sunog kayo po ang tutulong sa kanila, huwag nyo silang pababayaan,” saad ng Supremo sa kanyang mensahe.
Ayon kay Lapid, dapat maging handa ang bawat isa para maiwasan ang sunog na pumipinsala sa mga ari-arian at kabuhayan ng mga mamamayan.
“Mag ingat po tayo mga kababayan sa sunog, lalo ngayong El Niño dahil tiyak na ubos ang iyong mga ipinundar sa mahabang panahon. Ingatan po natin ang ating pamilya na mabiktima ng sunog. Maging alerto at sumunod po tayo sa mga paalala ng Bureau of Fire Protection(BFP) para sa kaligtasan ng lahat,” ayon kay Lapid.
Kasunod nito, pinangunahan naman ni Senador Lapid ang pamamahagi ng tig-2,000 pisong ayuda mula sa DSWD-AICS program para sa may 500 mahihirap na residente ng Calamba.
Ayon kay Sen Lapid, kahit papaano ay makatutulong ang ayuda sa panggastos ng mga benepisyaryo. (Nino Aclan)