PBBM HINIMOK NA SUGPUIN ANG MGA CORRUPT SA NFA

HINIMOK ni AGRI Partylist Rep. Wilbert T. Lee si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na sugpuin ang mga tiwaling opisyal at empleyado ng National Food Authority (NFA) upang maibalik ang tiwala ng publiko sa ahensya.

Inilabas ni Lee ang panawagan matapos na suspendihin ng Office of the Ombudsman si NFA Administrator Roderico Bioco at 138 pang opisyal at empleyado ng NFA dahil sa umano’y pagkakasangkot nila sa anomalyang pagbebenta ng rice buffer stocks ng gobyerno.

“Malaking kasalanan ang paglustay sa supply ng bigas, lalo pa napakamahal ng presyo ng pagkain at mga pangunahing bilihin ngayon,” ani Lee.

Dagdag pa ng solon, para maibalik umano ang tiwala ng publiko sa NFA, kailangang magkaroon ng revamp at ang unang hakbang doon ay alisin ang lahat ng opisyal na sangkot sa anomalya.

Nakakita aniya ang Ombudsman  ng “sufficient grounds” para suspendihin si Bioco, habang sinasabi naman ng iba na may “matibay na ebidensya na nagpapakita ng kanilang pagkakasala.”

Sa gitna ng umano’y anomalyang pagbebenta ng reserbang bigas, naghain ang Bicolanong mambabatas ng House Resolution No.1625 upang i-probe ang mga kasalukuyang patakaran ng NFA at pagpapatupad nito hinggil sa pinakamainam na paggamit ng kanilang mga kalakal at tamang pamamaraan ng pagtatapon.

Ayon kay Lee, kailangang matukoy ang anumang mga gap o loopholes sa umiiral na mga patakaran ng NFA.

Kailangang din aniyang linawin ang mga polisiya, tuldukan ang mga kalakaran na ugat ng katiwalian, at panagutin ang mga corrupt na dumadagdag lang sa pasanin ng taumbayan.

“Sa panahon na hirap ang ating mga magsasaka sa ani dahil sa epekto ng El Niño, kailangan natin ng mamumuno sa NFA na walang bahid ng korapsyon. Kung maayos lang sana ang pamahahala ng buffer stock ng bigas, mababawasan ang pag-angkat natin nito,” saad ng solon.

Sa nakalipas na ilang taon, nag-angkat ang Pilipinas upang madagdagan ang suplay ng bigas sa lokal na merkado.

Sa bilateral meeting kamakailan kay Cambodian Prime Minister Hun Manet, sinabi ni Pangulong Marcos na nais ng Pilipinas na makisali sa kalakalan ng Cambodia sa agrikultura, partikular na ang bigas. 

Itinuturing din ng bansa ang Cambodia bilang supplier ng bigas sa gitna ng El Niño dry spell.

Upang maayos ang supply ng mga pangunahing pagkain, kailangan natin ng maaasahan na magsusulong ng interes ng publiko at hindi pansariling interes. Kailangan natin ng mga lider na tapat na maglilingkod at magtatrabaho para maging Winner Tayo Lahat,” pagdidiin ni Lee.

Dagdag pa ng mambabatas na dapat tutukan kung paano mababawasan ang pangamba ng ating mga kababayan pagdating sa kanilang kabuhayan, kita, pagkain, at lalong-lalo na sa kalusugan, at hindi dapat maging dahilan sa pagbigat ng kalbaryo ng mga Pilipino ang mismong mga nasa gobyerno. (LB)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

%d bloggers like this:
Verified by MonsterInsights